Cayetano nais patatagin ang tiwala ng publiko sa impeachment trial, suportado ang desisyong batay sa ebidensya
Advertisers
Binigyang diin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang importansya ng tiwala ng publiko sa impeachment trial nang pinanindigan niya nitong Martes ang panawagan sa lahat ng senator-judge na hayagang tanggihan ang anumang personal na pakinabang mula sa magiging resulta ng paglilitis.
Sa kanyang Facebook post nitong October 27, iginiit ni Cayetano na karapatan ng mga Pilipinong malaman na isinasantabi ng mga senator-judge ang kanilang personal na interes sa paglilitis at tanging sa ebidensya lang ibabase ang kanilang magiging hatol.
“Whatever their (Filipinos) views on the Vice President, they deserve to know that those judging her case have put personal advantage aside,” aniya.
“Everyone wants justice, but we cannot excuse an unfair process simply because it produces the result we want,” dagdag niya.
Nitong Lunes, inanyayahan ni Cayetano ang mga kapwa senator-judge, kabilang ang sarili, na tularan ang ginawa ni Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero na pagdeklara ng pagtanggi niya sa pagka-bise presidente sakaling mapatalsik si Duterte. Para kasi kay Escudero, conflict of interest ang tanggapin ang puwestong nabakante dahil sa desisyong nabuo nang kasama siya.
Pero para sa ilang senador, masyado raw maaga ang ganitong deklarasyon dahil hindi pa tapos ang paglilitis.
Sagot ni Cayetano, mainam nga na bago dumating ang panahon na alukin ang sinuman sa kanila ng nasabing posisyon ay maliwanag na sa publiko na hindi nila tatanggapin ito.
Dagdag niya, hindi naman magiging dahilan ang pagtanggi ng isang senator-judge sa pansariling interes para hindi ito makabuo ng paghatol na nakabase lamang sa ebidensya.
“When should we make clear that we will put personal interests aside? Must we wait until we have voted or someone offers us the position?” tanong niya.
“We can keep an open mind about the evidence while deciding what we would be willing to accept afterward,” dagdag niya.
Katunayan, ang naunang deklarasyon aniya ni Escudero ay nagbibigay pa nga ng dahilan sa publiko na magtiwalang hindi siya hahatol laban kay Duterte para lang makuha ang puwesto nito.
“Nobody had offered him the position. He could have kept quiet and left the possibility open. Instead, he gave people a reason to trust that his vote would not be influenced by the prospect of becoming Vice President,” aniya.
Bagama’t sinabi ni Cayetano na walang pilitan sa kanyang paanyaya, hiniling niya na ikonsidera ng mga kasamahan sa Senado ang magandang dahilan sa likod nito.
“Everyone remains free to decide. I hope we can consider the concern behind the invitation before taking offense at being asked,” aniya.
“People learn who we are from those choices. When we keep our word even at a cost to ourselves, we give them a reason to trust us,” diin niya.
Ngayong pansamantalang nakatigil ang paglilitis hanggang sa unang linggo ng Nobyembre, nanalangin si Cayetano ng karunungan para sa senator-judges sa pagtupad nila sa tungkuling mapakinggan ang magkabilang panig, matimbang ang mga ebidensya, at maging tapat sa Konstitusyon.
“May God give us the wisdom and humility to do so honestly, especially when doing what is right means giving up something we might otherwise want,” aniya.