Advertisers
Ni Beth Gelena
Nagkaroon kami ng pagkakataong makatsikahan ang actress/singer na si Sarah Javier, dating miyembro ng That’s Entertainment.
Mula sa pagkanta, napunta rin si Sarah sa pag-arte at patuloy na naging abala sa iba’t ibang proyekto sa showbiz.
Ibinahagi niya ang kanyang mga bagong ganap, kabilang na ang mga pelikulang kanyang kinabibilangan.
Pagmamalaki ni Sarah, “Tita, natapos ko na po yung Isang international movie po director po namin si Charlotte Dianco with Rafael Rosell. Now po doing a movie po with Sef Cadayona and Kate Valdez, directed by Dante Pangilinan.”
Ang international movie ni Sarah na idinirek ni Charlotte Dianco ay The Run Away Kids, habang ang isa naman niyang pelikula ay Batang A.I.
Sa aming pag-uusap, hindi rin nakalimutan ni Sarah ang kanyang pinagmulan sa showbiz. Naalala niya ang mga dati niyang kasamahan sa That’s Entertainment matapos siyang maimbitahang maging hurado sa Star Quest at Level Up Dance Battle kamakailan.
Ayon kay Sarah, nakita niya ang pagkakahawig ng naturang talent search sa That’s Entertainment, lalo na dahil binibigyan ang mga batang kalahok ng pagkakataong maipakita ang kanilang talento sa pagkanta, pagsayaw at pag-arte.
Dahil dito, napabalik-tanaw siya sa sarili niyang karanasan bilang batang performer na maagang nagsimula sa mundo ng showbiz.
Hindi rin natapos sa pagiging hurado ang mga ganap ni Sarah sa entertainment industry. Patuloy siyang abala sa iba’t ibang radio, TV, mall at online guestings, bukod pa sa kanyang mga proyekto sa pelikula.
Sa kabila ng maraming taon mula nang mapabilang siya sa That’s Entertainment, makikitang nananatili pa rin ang kanyang passion sa showbiz, pati na rin ang kanyang interes sa pagtuklas at pag-encourage sa mga bagong talento.
Ngayong Setyembre 24, tatanggap naman si Sarah ng Elite Icon award mula sa award-giving body na I-Conique. Gaganapin ang awarding sa Novotel, Araneta, Manila.