Advertisers

Advertisers

KABATAANG PINOY SA REGION IV-A (CALABARZON), OVERALL CHAMPION SA WORLDSKILLS PHILIPPINES CLARK 2026

0 4

Advertisers

IPINAGMALAKI at pinuri ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA ) ang husay at tiyaga ng kabataang Pilipino mula sa Region IV-A ( CALABARZON ) matapos na mag-uwi ng kabuuang 17 medalya at tanghaling overall champion sa WorldSkills Philippines Clark 2026.

Ang naturang kompetisyon ay pinakamalaking pambansang kompetisyon sa kasanayan sa bansa kung saan sa 30 skill areas ng kompetisyon, lumahok ang CALABARZON sa 29 at nakapagtala ng pitong gintong medalya, apat na pilak, tatlong tanso, at tatlong Medallions for Excellence (MFE). Ginanap ang kompetisyon mula Setyembre 7 hanggang 11 sa Clark, Pampanga, na nilahukan ng 18 rehiyon mula sa buong bansa.

Nakuha naman ng Region XI (Davao Region) ang unang runner-up matapos magtala ng 16 na medalya—limang ginto, tatlong pilak, limang tanso, at tatlong MFE. Pumangatlo ang National Capital Region (NCR) na may 15 medalya, kabilang ang apat na ginto, tatlong pilak, dalawang tanso, at anim na MFE.

Sa kanyang mensahe sa mga kalahok, binigyang-diin ni TESDA Secretary Kiko Benitez na higit pa sa medalya at ranggo ang tunay na sukatan ng tagumpay sa isang kompetisyon.

Ayon kay Sec. Kiko, ang kahusayan sa isang kasanayan ay hindi nakukuha sa isang kompetisyon lamang. Ito ay hinuhubog sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay, tiyaga, at mga karanasang nagbibigay-daan upang higit pang mapaunlad ng isang tao ang kanyang kakayahan.

Binigyang-diin din ng kalihim ang malaking ambag ng mga Pilipinong skilled worker sa mga industriya at komunidad sa loob at labas ng bansa.

Bukod sa pagkilala at mga sertipiko, tumanggap din ng cash incentives ang mga nangunang kalahok sa kompetisyon. May ?30,000 para sa mga nagwagi ng gintong medalya, ?20,000 para sa pilak, at ?15,000 para sa tanso.

Kasabay ng pagtatapos ng WorldSkills Philippines Clark 2026 ang pormal na pagpapasa ng pagho-host ng susunod na edisyon ng kompetisyon mula sa Region III (Central Luzon) patungo sa Region IX (Zamboanga Peninsula).

Ang kompetisyon ay bahagi ng pagsisikap na maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng mga kasanayang nakaayon sa pangangailangan ng industriya at kayang makipagsabayan sa pandaigdigang pamantayan. (JOJO SADIWA)