Advertisers
Hindi lingid sa kaalaman natin na kapag ang paglalaan ng pondo o badyet pampubliko ang pag-uusapan para sa isang bayan, tanging ang mga taga local government unit (LGU) lamang magharap-harap sa konseho para dito.
Sa tuwing nagaganap din ang usaping badyet, nangyayari ito sa likod ng nakasara na pinto at pinagtatalunan ng mga opisyal at eksperto.
Ngunit kakaiba na sa Quezon City, hindi na ito itatago sa publiko. Sa pagpapatibay ng City Ordinance No. SP-3520, S-2026 sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Joy Belmonte, opisyal nang binuksan ng Lungsod Quezon ang mga pintong ito upang bigyang-daan ang pinakamahalagang boses sa lungsod – ang boses ng mismong mga QCitizen.
Hindi na lamang basta mga tagapanood o pasibong tagatanggap ng serbisyo ang mga mamamayan. Sa pamamagitan ng participatory budgeting, ang boses ng bawat sektor, mula sa mga mamamahayag ng komunidad, accredited civil society organizations (CSOs), hanggang sa mga karaniwang residente sa iba’t ibang barangay ay may direktang partisipasyon na sa kung paano at saan gagamitin ang pondo ng lungsod.
Ang tanong, bakit kaya isinali na ang QCitizens? Nakita kasi ni Mayor Joy na ang QCitizens ang nasa sentro ng prosesong ito.
‘Ika nga, ang mamamayan ang nakakaalam ng tunay na pangangailangan. E sino nga ba ang mas nakakaalam ng tunay na kailangan? Walang sinumang nakakaunawa sa tunay na sitwasyon sa kalsada kundi ang mga residenteng nakatira doon. Ang boses ng isang samahan sa komunidad ay mas mabilis na nakatutukoy kung pasilidad ba, health center, o dagdag na pangkabuhayan ang mas kinakailangan ng kanilang lugar.
Isa pa sa layunin ng pagkakaroon ng boses ang QCitizens ay ang may nagbabantay at nagpapatupad ng transparency. Kapag ang mamamayan ay kasama mula sa pagsusuri ng panukala hanggang sa pagsubaybay sa implementasyon ng proyekto, nagkakaroon ng malinaw at tapat na pampublikong pananagutan. Ang boses ng QCitizen ang nagsisilbing pinakamabisang bantay laban sa maling paggamit ng pondo.
Ano pa? Digital na platform para sa lahat kung saan sa pamamagitan ng mga nakataguyod na digital mechanism, hindi na kailangang maging eksperto sa gobyerno upang makapag-ambag ng ideya. Dito ang bawat QCitizen ay madali nang makakapagpadala ng kanilang mga rekomendasyon ukol sa mga proyektong dapat pondoan ng LGU.
Heto pa, sa paglalagay na ng boses ng masa, ito ay masasabing tunay na pagtutulungan (Co-governance) .Ang hakbanging ito na nakalinya sa pamantayan ng Open Government Partnership (OGP) kung saan ay nagpapatunay na ang mahusay na pamamahala ni Mayor Joy ay nakatuntong sa paniniwalang ang gobyerno at mamamayan ay magkapares sa pag-unlad.
Batid naman natin lahat na ang bawat sentimo ng buwis na ibinabayad sa lungsod ay nagmumula sa pawis ng mamamayan, kaya’t nararapat lamang na sila rin ang magpasya kung paano ito babalik sa kanila. Sa pagbibigay ng tunay na boses at kapangyarihan sa mga QCitizen sa pagbabadyet, ipinapakita ng Lungsod Quezon na ang pinakamalakas at pinakamahalagang pundasyon ng isang tapat at transparent na pamamahala ay ang mismong taumbayan.