Advertisers

Advertisers

6 patay, 17 sugatan sa pamamaril sa iskul sa So. Cotabato

0 3

Advertisers

Inilahad sa publiko ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umabot na sa anim ang bilang ng mga nasawi habang 17 ang sugatan sa naganap na insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Banga, South Cotabato, nitong Biyernes, Setyembre 18, 2026.
Isa sa mga biktima ang binawian ng buhay sa Surallah Hospital, habang isa pang estudyante ang idineklarang dead on arrival sa South Cotabato General Hospital.
Samantala, kinumpirma ng school principal na si Dr. Arnel Gabuat na hindi na rin umabot sa pagamutan ang salarin nang magbaril sa sarili.
Sa ulat, pawang nasa 14-anyos ang mga sugatan. Grade 9 student at 14-anyos din umano ang salarin sa pamamaril gamit ang 9mm na baril. Agad namang nagsuspendi ng klase ang bayan ng Banga at katabing bayan ng Surallah dahil sa insidente.

Sa pahayag na inilabas ng DSWD sa kanilang Facebook page nitog Biyernes, sinabi nilang agad daw na nagtungo ang kanilang social workers ng DSWD Field Office (FO) 12 – SOCCSKSARGEN sa ospital kung saan dinala mga naitalang nasugatang mag-aaral dahil sa naturang pamamaril.
Anila, nilayon nilang agad na mabigyan ng psychological first aid, psychosocial support, at iba pang kinakailangang interbensyon ang biktimang mga bata sanhi ng marahas na insidente.
Batay umano sa inisyal nilang tala, anim na mag-aaral umano ang nakumpirma nilang namatay sa insidente habang 17 naman ang malubha umanong nasaktan.
Dagdag pa nila, “Magpapatuloy ang koordinasyon ng DSWD sa LGU ng Banga at paaralan para sa kaukulang suporta sa mga bata at pamilyang biktima ng insidente.”
Sinabi naman ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., na isolated case ang kaso at nag-apela ito sa publiko na maging kalmado habang ginagawa ng mga kapulisan ang malalimang imbestigasyon sa pamamaril. Pinasiguro din nito na makakatanggap ng tulong ang mga biktima sa nasabing pamamaril.
Nasa ospital na umano ang lahat ng mga biktima, at delikado ang kalagayan ng ilan sa kanila.
Patuloy ang malalim na imbestigasyon ng mga awtoridad pati na ang motibo sa insidente.
“Medyo mabigat lang sa pakiramdam ngayon dahil bilang gobernador, bilang ama ng lalawigan, masakit sa akin na nangyari pa ito sa isang eskwelahan na fully guarded naman,” ani Gov. Tamayo.
“Kaya’t ako ay nananawagan sa mga magulang, sana huwag niyong hayaan na open sa mata, at access ng bata yung mga baril mayroon kayo. Dapat maging responsable kayo, dahil may pananagutan yung mga magulang dito dahil yung mga baril ay easy access pala sa kabataan,” dagdag ng gobernador.
Dagdag ng gobernador, nalaman niya mula sa kaibigan ng suspek na miyembro umano ito ng “True Crime Community.”
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente.
Samantala, nagpaalala naman ang DSWD na maging maingat at responsable ang publiko sa pagbabahagi ng mga impormasyon at pagkokomento kaugnay sa naganap na insidente.