Advertisers
Ni Anne Venancio
NAAWA si Vice Ganda kay Alden Richards matapos maging emosyonal at tuluyang mapaiyak ang aktor sa pilot episode ng nagbalik na “Gandang Gabi Vice” (GGV).
Umabot umano ng halos 10 minuto ang pag-iyak ni Alden habang pinag-uusapan nila ni Vice ang kanyang mga pinagdaanang relasyon at mga babaeng naging “almost” niya.
Sa kanyang post sa X matapos ipalabas ang episode, sinabi ni Vice na naisip niyang itigil na ang kanilang interview dahil labis siyang naawa kay Alden.
Pero iginiit umano ni Alden na ipagpatuloy nila ang kanilang pag-uusap.
Habang nagkukuwento tungkol sa kanyang love life, sinabi ni Alden na sa loob ng maraming taon ay hinahanap niya ang pagmamahal mula sa ibang tao, bago niya napagtanto na maaaring pagmamahal sa sarili ang kulang sa kanya.
Dito na tuluyang bumuhos ang kanyang emosyon.
Nanatiling nasa tabi si Vice ni Alden at nagyakap ang dalawa.
Nagpasalamat naman ang ilang netizens kay Vice sa pagbibigay kay Alden ng espasyong maging vulnerable at mailabas ang kanyang nararamdaman.