Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Masaya ang CinePanalo festival director na si Chris Cahilig dahil patuloy na lumalaki ang kanyang brainchild na filmfest.
Katunayan, mas pinaigting pa ang line up nito ngayong taon.
“Iyong 7 full length films namin, kakaiba sila, may commercial, pati commercial films kakaiba ang treatment na walang paulit-ulit. Walang kuwentong basag o gasgas.Walang treatment na hindi bago,” aniya.”Binigyan talaga tayo ng 7 filmmakers ng value. Sila iyong magpapatunay na may pag-asa pa ang industriya natin,”dugtong niya.
Dagdag pa niya, wala rin daw pinag-isang tema ang mga pelikulang tampok ngayong taon.
“We want to give our filmmakers a creative hand since we believe that cinema should be free, “paliwanag niya.
Sa loob ng tatlong taong pamamayagpag,marami na ring de kalidad at award winning at internationally acclaimed films na naiprodyus ang festival tulad ng Under a Piaya Moon (2024) na napiling pambato sa Festival International du Film Transsaharien de Zagora sa Morocco, Lab Story (2024), Audience Choice winner sa CPF at naging kinatawan ng bansa sa Asian Film Festival sa Barcelona,Salum (2025) na nagbigay karangalan kay Christine Mary Demaisip bilang special mention sa Festival International du Film Transsaharien de Zagora sa Morocco,Pushcart Tales(2025) na naging opisyal na kalahok sa 2025 Pattaya Film Festival sa Thailand at Tigkiliwi (2025), Jury Prize sa CinePanalo at napili para sa Official Competitive Director’s Week sa Fantasporto sa Portugal ngayong taon.
Natanong din ang interim manager ni Bea Alonzo kung bakit wala pang naipalalabas sa mga obrang naiprodyus ng festival sa mga kilalang streaming platforms tulad ng Netflix, Prime, Viu at iba pa.
“Actually gusto naming mag-streaming kasi lahat ng paraan para maabot ng tao ang mga pelikula namin, gusto namin iyon.Kaya lang in the past years nakakaligtaan ‘ata kami,”paliwanag niya.
“May pag-aakala ‘ata ang streaming platforms na ang CinePanalo ay puro branded,”dugtong niya.
Nanghihinayang din daw siya sa audience o market na puwede pang maabot ng kanilang mga pelikula.
“Ang daming magaganda for the past years and this year,pero siyempre, may kanya-kanya silang prayoridad kung paano nila pinipili ang nilalagay nila sa platform nila. Choice nila iyon , nirerespeto namin, “sey niya. “Ang punto ko lang, dapat i-consider nila, panoorin nila, tingnan nila ang reaksyon ng mga tao. Ang CinePanalo kasi paganda nang paganda each year. Malaking tulong na kung talagang gusto nilang suportahan ang film industry, bigyan naman nila kami ng chance na maipalabas sa kanilang platform, ” pagtatapos niya.
Ang mga pelikulang kalahok sa full length film category ng 3rd edition ng CinePanalo ay ang “Apol of My Ai” ni Thop Nazareno, “Beast” ni Lawrence Fajardo, “Stuck on You” ni Mikko Baldoza, “Multwoh(Patay na Patay Sayo) ni Rodina Singh, Patay Gutom nina Carl Joseph Papa at Ian Pangilinan, “Wantawsan” ni Joseph Abello at “Mono No Aware” ni BC Amparado.
Bukod sa 7 full-length films, mapapanood din ang 19 student short films sa festival.
Ang Puregold CinePanalo Film Festival 2026 ay idaraos mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 4 sa Gateway Cineplex 18, Trinoma, Fairview Terraces, Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay at Market! Market!