Advertisers

Advertisers

Marietta Subong, personal ang hugot sa “2 Valid IDs”

0 5

Advertisers

Ni Archie Liao

Hindi lang basta ginampanan ni Marietta Subong aka Pokwang ang kanyang role sa “2 Valid IDs.” Malalim ang kanyang koneksyon sa kuwentong tampok sa pelikula dahil naranasan na rin niya mismo ang ilan sa mga problemang kinakaharap ng kanyang karakter.

Para kay Marietta, kuwento ito ng karaniwang Pilipino na pamilyar sa mahabang pila, paulit-ulit na proseso at mga sistemang kung minsan ay mahirap unawain.



“Kuwento po natin ito. Kuwento ng buhay natin araw-araw ng bawat Pilipino, kaibigan ko, kamag-anak mo. Pag pinanood mo, sasabihin mo talaga, ‘Oo nga, ano? Ba’t ganoon?’ Laging nag-iiwan ng tanong.”

Kaya nang mabasa niya ang script at makita ang pinagdaanan ng kanyang karakter na si Sylvia, agad niyang naramdaman ang bigat ng kuwento.



“Yes, naranasan ko ito. Iyong sistemang ganito, bago po ako naging OFW na kumukuha ng passport. Iyong haba ng pila. Tapos babalik ka, titipirin mo iyong pamasahe. Iyong pinagdadaanan lahat ni Sylvia kaya noong in-offer sa akin at binasa ko ang script, meron agad akong naramdamang awa at gigil.”

Hindi lamang ang personal na koneksyon ang naging hamon para sa aktres. Kailangan din niyang tiyaking ang karakter ni Sylvia ang mamayani sa pelikula at hindi ang kanyang nakasanayang personalidad bilang Pokwang.



“Lahat naman challenging sa akin. Pero ang pinakang gusto ko iyong mukha ng buhay. Kung paano ko ibibigay ito bilang komedyante. Paano ko ibibigay iyong seryosong pinagdadaanan ng bawat karakter, especially iyong sistemang medical, hindi lang iyong bureaucracy natin. Ang dami kong binago rito sa nuances para hindi lumabas iyong Pokwang.”

Para kay Marietta, parehong mahirap ang comedy at drama. Sa comedy, may hamon na mapatawa ang audience, habang sa drama naman ay kailangang tunay na maramdaman ng aktor ang emosyon ng karakter.

“Pareho. Mahirap din iyong comedy dahil baka di mapatawa iyong mga tao. Sa drama naman, kailangan mo talagang ramdamin mo iyong karakter.”

Hindi lang tungkol sa pagkuha ng ID ang personal niyang karanasan

Mas naging emosyonal ang kanyang pagganap dahil may mas mabigat na personal na karanasan siyang baon. Noong 1998, bago pa siya naging artista, naranasan niyang pumila at humingi ng tulong para sa kanyang anak na lalaki na nagkaroon ng brain tumor.

“Ako bilang Marietta Subong sa tunay na buhay, naranasan ko iyong pagpila-pila, paghingi ng tulong noong nagkaroon ng brain tumor iyong anak kong lalaki. Pumila kami. Hindi po ako artista, that was 1998. Pero di namin nakuha iyong tulong bago namatay ang anak ko.”

Dahil dito, mas nauunawaan niya ang pakiramdam ng mga taong kailangang magtiyaga sa isang sistema habang may mabigat na problemang kinakaharap.

At kung may isang bagay siyang natutunan sa kanyang mga karanasan sa pagkuha ng mga dokumento, ito ay ang kahalagahan ng pasensiya.

“Pagkuha ng ID kailangan mong magbaon ng pasensiya.”

Kaya naman higit pa sa pagpapatawa o pagkuwento ng isang karaniwang problema ang nais maabot ng “2 Valid IDs.” Umaasa si Marietta na mapapanood ito ng mga taong may kakayahang pagandahin ang sistema, lalo na ang mga nasa posisyon at ang sektor ng medical services.

“Sana mapagaan kung paano tayo kumuha ng ID, sana mapanood siya ng mga nasa puwesto pati na iyong sistemang medical.”

Sa pamamagitan ng pelikula, umaasa si Marietta na ang mga kuwentong pamilyar sa maraming Pilipino ay hindi lamang mag-iiwan ng tanong na, “Ba’t ganoon?” kundi maaari ring magsilbing paalala na may mga sistemang kailangang mas pagtuunan ng pansin.

Ang “2 Valid IDs” ay naging kalahok sa full-length film category ng Cinemalaya 2026 noong Agosto.

Nagwagi ito ng best actress award para kay Marietta.

Bukod sa itinanghal na festival blockbuster, nanalo rin ito ng Special Jury at Audience Choice awards.

Mula sa panulat ni Abet Raz at sa direksyon ni Ma-an Asuncion-Dagñalan, mapapanood na ang pelikula sa buong bansa simula sa Oktubre 14.

Kasama rin sa cast sina Joey Marquez, Zaijian Jaranilla, Meryll Soriano at Joem Bascon.