Advertisers
WALANG naitalang nasaktan o nasugatan sa 40 Filipino seafarers matapos masangkot ang kanilang sinakyang Panama-flagged bulk carrier sa banggaan sa isang Chinese fishing vessel sa Singapore Strait.
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas ang lahat ng 40 Pinoy crew members na nakatalaga sa naturang sasakyang pandagat.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa licensed manning agency ng mga seafarer habang kinakalap ang buong detalye hinggil sa insidente.
Nakuha na ng DMW ang pangalan ng lahat ng 40 Pilipinong marino habang nagsasagawa na ng imbestigasyon at pagsusuri ang maritime authority upang matukoy ang dahilan ng pagbabanggaan ng dalawang barko.
Siniguro naman ng ahensya ang patuloy na pagsubaybay sa kalagayan ng mga kababayang marino at ang pagbibigay ng kaukulang tulong sa kanila at sa kanilang mga pamilya.