Advertisers

Advertisers

Sining Bulilit, Tampok sa Matagumpay na Pagpapalabas ng Recital Film na ‘Sa Susunod na Araw’

0 2

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

Isang malaking tagumpay ang ginanap na pagpapalabas ng recital film ng Sining Bulilit Workshop na “Sa Susunod na Araw” sa Red Carpet Cinema 2 sa Shang-rila Plaza na tampok si Dr. Marvin Dorotheo bilang isang guro.

Ayon kay Dr. Marvin, naging masaya at makabuluhan para sa kanya ang kanyang unang pagsabak sa pag-arte, lalo na’t espesyal sa kanya ang proyekto dahil kasabay ito ng kanyang ika-50 kaarawan.



“Espesyal sa akin ang pelikulang ito dahil this is my 50th birthday. Salamat sa pag-welcome ninyo sa akin sa inyong tahanan. Gusto kong pasalamatan ang mga nakatrabaho ko, lalo na ang mga bata. Sila po ang dahilan kung bakit pinagbuti ko ang trabaho ko,” ani Dr. Marvin.

Pinuri rin niya ang mga batang artista dahil sa kanilang dedikasyon at pagiging propesyonal.



“Nakita ko kung gaano sila ka-dedicated at professional sa kanilang trabaho at ang galing nilang umarte. Meron din silang values and character. Iyan naman po talaga ang ginagawa ng Sining Tahanan—ang mapalaki at ma-expose ang mga bata sa arts and culture,” dagdag niya.

Malalim din ang naging pagkakaugnay ng award-winning actress at film producer na si Angel Raymundo sa tema ng pelikula, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng edukasyon.



“Dito po sa ‘Sa Susunod na Araw’ ay ipinakikita ang kahalagahan ng edukasyon. It was supposed to be shown during Araw ng Wika,” ani Angel.

Masaya rin si Angel dahil nakita niyang nagbunga ang kanyang adbokasiya sa pagtatapos ng Batch 2 ng kanyang mga workshopper.

“Kapag nagbahagi ka ng iyong talento na minahal mo at nakikita mo ang bawat bata na unti-unting nagbabago at natututo, higit pa sa gantimpala o tropeo ang nakukuha mo. Iyong makita mo lang na nasa tamang landas sila, malaking biyaya na iyon para sa akin,” pahayag niya.

Mula sa panulat at direksyon ni Jake Mendoza, tampok din sa “Sa Susunod na Araw” sina Kanneth Jayve, Charles Romero, Josh Dimaliwat, Berna Legasca, Allison Antaran, Kean Ventura, Dutchess Ricaplaza, Solenn Alvarez, Kyle Cuevas, Fae Clemente, Ella Estorninos, Kim Ramos, Tine Rueda, Chesca Canales, Deniz Kilisli, Naya Kilisli, Kiyanna Antaran at Aldrich.

Bukod sa “Sa Susunod na Araw,” ipinalabas din sa event ang dalawa pang obra ni Mendoza—ang “Memes in Love” at “Kariton.”

Tampok sa “Memes in Love” ang mga modelo mula sa prestihiyosong talent agency na sina Mica, Kairah, Sophia, Riri, AC, Athena, Ariel, Zoey, Kirsten, Khazzy, Aicel, Nathalie, Anne, Chole at Akemi. Umiikot ang pelikula sa tunggalian ng dalawang magpinsang babae.

Samantala, nakakaantig naman ang drama sa “Kariton,” na tampok sina RD Joson, Reign Joson, Angelita Mendoza at Anton Valdez. Kuwento ito ng pagsisikap ng isang maglola na matulungan ang kanilang kamag-anak na batang may kanser at madala ito sa isang albularyo.

Sa nasabing event, nagbigay rin ng pagkilala ang Sineng Tahanan at Sining Kanlungan sa ilang personalidad na nagpakita ng natatanging ambag sa kanilang larangan.

Tumanggap si Dr. Marvin Dorotheo ng Humanitarian Award for Compassion Beyond Profession, habang iginawad kay Madam Francia Conrado Camacho ang Legacy Guardian Humanitarian Leadership Award. Pinarangalan naman si Director Armando A. Reyes ng Life Achievement Award for Film and Theatre.

Nagdagdag din ng kinang sa pagtitipon ang Palabrica Sisters na sina Ysabelle at Aleck, habang naging host ng event ang dashing at debonaire actor na si Lance Raymundo.

Sa kabuuan, naging selebrasyon ang event hindi lamang ng pelikula kundi maging ng talento, edukasyon, sining, at patuloy na paghuhubog sa mga kabataang may pangarap sa mundo ng arts and culture.