Advertisers

Advertisers

BASTE, TRILLANES TESTIGO SA YAMAN NI SARA

0 6

Advertisers

NAKATAKDANG tumestigo sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte ngayong linggo, habang pinaigting ng mga tagausig ng Kamara ang paglalahad ng mga ebidensiya kaugnay ng ‘di-maipaliwanag na yaman, interes sa negosyo at mga transaksiyong pinansyal ng Bise Presidente.

Muling magpapatuloy ang pagdinig ng Senate impeachment court ngayong Lunes, kungsaan unang tatapusin ng prosekusyon ang testimonya ni Rendell Sopeña, division chief ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS).

Inaasahang susunod na tatawagin ng mga tagausig si Mayor Duterte, kasunod si Atty. Gary Samonte ng Secretariat ng Bids and Awards Committee ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Regional Office XI, at si Police Major Joe Rickson Sanggalang, hepe ng Records Division ng Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police (PNP).



Nitong nakaraang linggo, tumestigo si Sopeña hinggil sa mga kontrata ng gobyerno na iginawad sa Gencorp Industries Inc., isang kumpanyang idineklara ng Bise Presidente bilang interes sa negosyo sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Batay sa mga rekord ng PhilGEPS, may 49 na kontrata na nagkakahalaga ng kabuuang P35.878 milyon ang iginawad sa Gencorp nitong nanunungkulan si Duterte bilang Bise Presidente.



Kabilang dito ang 15 kontrata mula sa Davao City na nagkakahalaga ng P34.217 milyon, 33 kontrata mula sa PhilHealth Region XI na nagkakahalaga ng P1.331 milyon, at isang kontrata mula sa Overseas Workers Welfare Administration Region XI na nagkakahalaga ng P330,000.
Mahalaga ang mga kontratang ito sa alegasyon ng prosekusyon sa ilalim ng Article II na nabigong bitiwan ni Duterte ang kanyang mga interes sa negosyo at pananalapi matapos maupo bilang Bise Presidente.

Sa testimonya ni Sopeña, iginiit ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na ipinagbabawal ng Article VII, Section 13 ng Konstitusyon sa Bise Presidente ang direkta o hindi direktang pakikilahok sa anumang negosyo o pagkakaroon ng pinansiyal na interes sa anumang kontrata ng gobyerno habang nasa puwesto.



“Ang pag-amin ay nagmula mismo sa respondent,” ani Luistro, na tumutukoy sa pagdedeklara ni Duterte sa Gencorp bilang interes sa negosyo sa kanyang SALN.

“Paalala lamang na ang huling subsection ng Article II ng Articles of Impeachment hinggil sa di-maipaliwanag na yaman ay ang hindi pagbitaw sa iba pang interes sa negosyo at pananalapi,” dagdag niya.

Nakatanggap na ng subpoena si Mayor Duterte upang humarap sa impeachment court mula Setyembre 28 hanggang 30, at inaasahang tatanungin tungkol sa mga transaksiyon ng pamahalaang lungsod ng Davao sa Gencorp.

Nauna nang binigyang-diin ni Luistro ang kahalagahan ng testimonya ng alkalde.

“Sana dumating dahil significant ang kanyang magiging testimony,” ani Luistro.

Nais din ng prosekusyon na ideklarang hostile witness si Mayor Duterte ng impeachment court, na magbibigay-daan sa mga tagausig na magtanong sa kanya gamit ang mga leading question o mga tanong na maaaring gumabay sa inaasahang sagot.

Nauna nang sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na lalong tumibay ang paninindigan ng prosekusyon na ipatawag ang alkalde matapos nitong pampublikong kilalanin na nagkaroon ng mga transaksiyon ang Gencorp sa pamahalaang lungsod ng Davao.

“Mas napalakas ’yung position ng prosecution na ang kanyang magiging testimonya would be indispensable for the court to fully appreciate the case that is being leveled against the Vice President,” ani Alonto Adiong.

Samantala, inaasahang magbibigay ng testimonya si Trillanes hinggil sa impormasyong pinansyal na may kaugnayan sa umano’y di-maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Layunin ng prosekusyon na maiugnay ang mga idineklarang ari-arian at lehitimong kita ng Bise Presidente sa mga rekord pinansyal na nakalap para sa Article II.

Binanggit ng mga tagausig ng Kamara ang impormasyong mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na sumasaklaw sa 663 transaksiyon na kinasasangkutan nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, na may pinagsama-samang halagang humigit-kumulang P6.77 bilyon.

Ayon sa prosekusyon, nasa P3.77 bilyon ang mga transaksiyong may kaugnayan kay Duterte, habang P2.99 bilyon ang may kaugnayan kay Carpio.

Gayunman, ang mga halagang ito ay tumutukoy sa pinagsama-samang halaga ng mga transaksiyon at hindi nangangahulugang hawak nina Duterte at Carpio ang naturang halaga sa iisang panahon.

Nauna nang sinabi ni House prosecutor at Manila 3rd District Rep. Joel Chua na ang impormasyong pinansyal na inilahad ni Trillanes sa impeachment proceedings sa Kamara ay ikinumpara at sinuri batay sa mga rekord ng AMLC.

“Opo, mahalaga po iyong magiging testimonya ni Senator Trillanes,” ani Chua.

Ang mga nakatakdang testimonya ay magdaragdag sa mga ebidensiyang naiharap na sa ilalim ng Article II, kabilang ang mga SALN ni Duterte, mga rekord ng korporasyon at mga dokumento sa pagkuha ng mga serbisyo at produkto ng gobyerno.

Sa kanyang 2024 SALN, idineklara ni Duterte ang net worth na P88.512 milyon, mula sa P7.25 milyon noong 2007.

Sinusuri ng prosekusyon kung sapat na maipapaliwanag ng kanyang lehitimong kita at mga idineklarang interes sa negosyo ang pagtaas ng kanyang yaman, gayundin kung sumunod siya sa mga paghihigpit ng Konstitusyon hinggil sa mga interes sa negosyo at pananalapi habang nanunungkulan bilang Bise Presidente.