Advertisers
POSIBLENG hindi na iharap ng House prosecution panel ang ebidensya para sa bribery charge laban kay Vice President Sara Duterte kung kapusin sa oras ang impeachment trial bago simulan ng Senado ang deliberasyon sa 2027 national budget.
Pahayag ni prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., target ng prosecution na matapos ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya laban kay Duterte pagsapit ng kalagitnaan ng Oktubre, bago ilaan ng Senado ang malaking bahagi ng oras nito sa pagtalakay sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Tolosa, na isa sa mga ikinokonsidera ng prosecution ang oras na natitira para sa paglilitis sa pagpapasya kung itutuloy pa ang presentasyon ng ebidensya kaugnay ng bribery allegation.
Nauna nang inihayag ng prosecution na pinag-aaralan nito kung ihaharap o ibabasura sa kanilang presentasyon ang impeachment article na nag-aakusa kay Duterte ng panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education upang malusutan umano ang procurement rules noong siya pa ang kalihim ng ahensya.
Bukod sa bribery, kabilang sa impeachment case ang mga alegasyon ng maling paggamit ng daan-daang milyong pisong confidential funds, unexplained wealth at pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Samantala, sinabi rin ni Tolosa na sinusuri ng prosecution kung kailangan pang iharap ang lahat ng financial records na kaugnay ng unexplained wealth allegation dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang ilahad sa impeachment court.
Mahigpit ang iskedyul ng Senado habang isinasagawa ang impeachment trial at inihahanda ang 2027 national budget. Inaasahang magiging full-day ang ilang trial sessions sa unang bahagi ng Oktubre bago pagtuunan ng Senado ang budget deliberations hanggang kalagitnaan ng Nobyembre.
Ayon sa kasalukuyang iskedyul, maaaring ipagpatuloy ang impeachment trial pagsapit ng huling bahagi ng Nobyembre.