Advertisers
Pinalakas ng Department of Justice (DOJ), Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang kampanya ng pamahalaan laban sa agricultural smuggling sa pamamagitan ng pagpirma sa isang Tripartite Memorandum of Agreement (MOA) upang mas mapabilis ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa ilegal na kalakalan ng produktong agrikultural.
Layunin ng kasunduan na palakasin ang koordinasyon ng tatlong ahensya sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na naglalayong sugpuin ang mga gawaing sumisira sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, seguridad sa pagkain at kapakanan ng mga mamimili.
Lumagda sa kasunduan sina Justice Secretary Atty. Fredderick A. Vida, BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno at NBI Director Atty. Melvin A. Matibag.
Dumalo rin sa seremonya si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagpahayag ng suporta sa pagtutulungan ng tatlong ahensya.
Sa ilalim ng kasunduan, paiigtingin ang palitan ng impormasyon at intelligence, suporta sa kriminal na imbestigasyon, pagbuo ng mga kaso, pagsusuri ng ebidensya, pagsasangguni ng mga reklamo, preliminary investigation at prosekusyon laban sa mga lumalabag sa batas.
Bubuo rin ng Technical Working Group (TWG) na mangangasiwa sa pagbuo at pagpapatupad ng mga alituntunin sa koordinasyon, mekanismo sa referral ng mga kaso at mga protocol sa pagbabahagi ng impormasyon upang matiyak ang tuloy-tuloy na implementasyon ng kasunduan.
Ayon kay Nepomuceno, mahalaga ang pagtutulungan ng tatlong ahensya upang mas mapalakas ang kampanya laban sa agricultural economic sabotage.
“The fight against agricultural economic sabotage cannot be carried out by one agency alone. Kailangan natin ang teamwork ng DOJ, BOC, at NBI,” ani Nepomuceno.
Sinabi ng opisyal na patuloy na haharangin ng BOC ang mga ilegal na kargamento at bubuo ng mga kaso, habang katuwang ang NBI sa mas malalim na imbestigasyon at ang DOJ sa pagtiyak na mapanagot ang mga lumalabag sa batas.
Binigyang-diin din niya na tutugisin ang mga sumisira sa sektor ng agrikultura at nagbabanta sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno, patuloy na pinaiigting ng BOC ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa at ang pagpigil sa ilegal na pagpasok ng mga produktong agrikultural.
Sa datos ng kawanihan, 15 reklamo na kinasasangkutan ng 20 respondent ang naendorso na sa DOJ para sa kaukulang aksyon dahil sa umano’y paglabag sa RA 12022.
Bukod dito, mula noong 2025, nakapagsampa na rin ang BOC ng 30 kasong may kaugnayan sa agrikultura laban sa 127 respondent sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang pagpirma sa Tripartite MOA ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan upang tiyaking ang mga operasyong laban sa agricultural smuggling ay susuportahan ng masusing imbestigasyon at epektibong prosekusyon.
Sa pamamagitan nito, layon ng DOJ, BOC at NBI na maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, mapatatag ang seguridad sa pagkain at mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamimili.(