Advertisers

Advertisers

‘Investment’ tag sa Marcoleta donations, wala sa mga dokumento — prosecution witness

0 19

Advertisers

WALA sa kahit anong dokumentong sinuri ng mga imbestigador ng gobyerno ang paglalarawan sa mga donasyon ng mga negosyanteng sina Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray kay Senador Rodante Marcoleta bilang mga “investment”, pag-amin ng isang prosecution witness sa korte.

Sinabi ni Atty. Maria Mananghaya-Henson, direktor ng Luzon Field Investigation Bureau (FIB) ng Office of the Ombudsman, sa Sandiganbayan na ginamit lamang ng kanilang tanggapan ang naturang label dahil sa paggamit ni Marcoleta ng katagang “utang na loob” sa isang YouTube video.

Ang video ay mula sa interview ni Marcoleta kay Net 25 anchor Nelson Lubao. Noong Lunes, hindi na itinuloy ng anti-graft court ang testimony ni Lubao matapos sabihin ng mga defense lawyer na wala silang objection sa proposed stipulations ng prosecution.



Pumayag ang mga abogado ng mga co-accused sa stipulations sa kondisyon na kumpirmahin ng prosecution na ang YouTube link at video na tinutukoy rito ay eksaktong kapareho ng mga na-identify at ipinakita sa korte habang tumetestigo si Mananghaya-Henson.

Kinumpirma naman ito ng prosecution.



Inamin din ni Mananghaya-Henson na may limitasyon ang naturang pahayag dahil hindi naman sinabi ni Marcoleta sa video kung paano o kailan babayaran ang sinasabing utang na loob.

Hindi rin tinukoy ng senador kung sino sa kanyang “friends” ang nagsabing ang kanilang donasyon ay isang “utang na loob.”



Inamin din ni Mananghaya-Henson na hindi inimbestigahan ng FIB kung may government contracts o transactions ang alinman sa mga donor, dahil para sa bureau ay hindi na kailangan ang naturang inquiry sa kanilang imbestigasyon.

Dagdag pa niya, wala siyang alam na ibang kasunduan sa pagitan ng mga donor at ni Marcoleta bukod sa nakasaad mismo sa mga Deeds of Donation.

Tumestigo rin si Mananghaya-Henson na si Marcoleta mismo ang nag-solicit o nanghingi ng pondo mula kay Viray.

“It was accused Marcoleta who actually solicited,” Mananghaya-Henson told the court.

Kinilala rin ng witness na lahat ng tatlong co-accused ni Marcoleta ay nagsabing ang kanilang mga donasyon ay para pondohan ang kanyang pagtakbo bilang senador.

Nauna nang sinabi ni Marcoleta na naging kanyang “personal funds” ang mga donasyon upang hindi na ito maimbestigahan ng Commission on Elections kaugnay ng posibleng election-related offenses.

Kinuwestiyon din ng korte ang naging konslusyon ng FIB na gagamitin ng senador ang kanyang posisyon para paboran ang mga donor.

Tinanong si Mananghaya-Henson kung ang naturang konklusyon ay nakabase lamang sa probabilities o kung itinuturing itong absolute finding.

Nanindigan ang witness na findings ng FIB na gagamitin ni Marcoleta ang kanyang puwesto para magbigay ng pabor sa mga donor.

Pero ipinaalala ni Sandiganbayan Justice Fritz Delos Santos sa witness na hindi obligado ang korte na sundin ang conclusions o findings ng FIB kung walang dokumentong sumusuporta sa mga ito.

Binigyan ng korte ang prosecution hanggang September 30 para magsumite ng written Formal Offer of Evidence o FOE.

May dalawang araw naman ang defense mula sa oras na matanggap nila ito para maghain ng kanilang comment. Pagkatapos nito, ituturing nang submitted for resolution ang FOE sa October 3.

Inatasan din ang magkabilang panig na sabay na magsumite ng kanilang memoranda sa pamamagitan ng email bago mag-8:30 a.m. sa October 8.