Advertisers
SINIGURO ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na tinututukan nang husto ng Pambansang Pamahalaan, partikular ng Department of Agriculture (DA), ang mga posibleng maging epekto ng banta ng El Niño sa bansa.
Katunayan, inihayag ng kalihim na aabot sa P45-bilyon ang kabuuang pondong kanilang hiniling sa Department of Budget and Management (DBM) para sa nakatutok na El Niño Response Program.
Kabilang sa naturang pondo ang nauna nang inaprubahang 6.2-bilyong pisong United Program for Livelihood Improvement and Financial Transformation (UPLIFT), na nakalaan para sa pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.
Target ng ahensya na masimulan ngayong linggo ang pamamahagi ng fuel assistance para sa mga mangingisda sa buong bansa habang sa mga magsasakang benepisyaryo bago matapos ang kasalukuyang buwan ng Oktubre.
Layunin ng programa na tulungan ang mga benepisyaryo na makayanan ang patuloy na epekto ng global oil crisis o ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kasabay ng mga paghahanda sa nakaambang matinding banta ng El Niño.