Advertisers

Advertisers

NCRPO CHIEF ABRAHANO, NAGBABALA SA MGA TAUHAN NG PULISYA NA UMIWAS LABAN SA “MOONLIGHTING”

0 60

Advertisers

Muling pinaalalahanan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher N. Abrahano ang lahat ng tauhan ng pulisya sa Metro Manila na umiwas sa anumang hindi awtorisadong trabaho sa labas ng kanilang tungkulin o tinatawag na “moonlighting” na maaaring sumalungat sa kanilang opisyal na gawain, makompromiso ang kanilang integridad, o makasira sa tiwala ng publiko sa serbisyo ng pulisya.

Ayon kay PBGen. Abrahano, kailangang manatiling nakatuon ang mga pulis sa kanilang sinumpaang tungkulin at tiyaking hindi makahahadlang sa kanilang responsibilidad na protektahan ang publiko, maiwasan ang krimen, at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ang kanilang personal na interes o sideline.

Inatasan niya ang mga police district director , Chief of Police at Station Commanders na muling ipaalala sa kanilang mga tauhan ang umiiral na mga alituntunin hinggil sa pagtatrabaho sa labas ng serbisyo at tiyaking sumusunod ang lahat ng personnel sa mga naaangkop na regulasyon ng Philippine National Police (PNP).



Ang paalalang ito ay alinsunod sa kautusan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na dapat panatilihin ang propesyonalismo at pananagutan sa bawat antas ng organisasyon, at ang mga tauhan ng pulisya ay dapat magsagawa lamang ng mga tungkuling naaayon sa kanilang legal na mandato at sinumpaang responsibilidad.

Kaayon din ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sa pamamagitan ng paggabay ni DILG Secretary Jonvic Remulla na palakasin ang propesyonalismo, pananagutan, at tiwala ng publiko sa serbisyo ng pulisya.



Ang mga tauhang mapatunayang sangkot sa mga ipinagbabawal na aktibidad ay maaaring maharap sa kaukulang administratibo o legal na aksyon, depende sa uri at bigat ng paglabag. (JOJO SADIWA)

style="display:block" data-ad-client="ca-pub-7020468026123536" data-ad-slot="5705765747" data-ad-format="auto" data-full-width-responsive="true">