Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Isa sa mga naging mahalagang bahagi ng pagbabalik ni Isabel Sandoval sa paggawa ng pelikula sa Pilipinas ang pakikipagtambal niya kay Arjo Atayde sa Moonglow, isang neo-noir romantic melodrama na siya mismo ang bida, sumulat at nagdirek.
Mabusisi ang naging pagpili ni Isabel kay Arjo para sa proyekto. Nagkakilala ang dalawa sa Locarno Film Festival sa Switzerland noong 2023, kung saan ipinalabas ang pelikulang Topakk ni Arjo sa direksiyon ni Richard Somes.
Ayon kay Isabel, nagkaroon sila ng magandang pag-uusap ni Arjo at ng ina nitong si Sylvia Sanchez. Hindi lamang tungkol sa posibleng proyekto ang kanilang napag-usapan kundi maging sa hangarin nilang maipakilala sa international audience ang husay at kakayahan ng mga Pilipinong alagad ng sining.
Para kay Isabel, isa si Arjo sa mga artistang may kakayahang katawanin ang world-class Filipino talent sa lokal at international film industry.
Sa isang panayam, hindi rin niya ipinagkait ang papuri sa aktor.
“And one of those talents is, of course, Arjo Atayde, who is an award-winning actor himself.”
Sa Moonglow, gumaganap si Arjo bilang Charlie, isang detective na inatasang imbestigahan ang pagkawala ng malaking halaga ng pera mula sa isang tiwaling police chief. Si Isabel naman ang gumaganap bilang Dahlia, isang babaeng detective na siya ring lihim na utak sa likod ng pagnanakaw.
Dito umiikot ang komplikadong ugnayan ng kanilang mga karakter. Magkasama silang nagtatrabaho sa imbestigasyon, ngunit hindi alam ni Charlie na ang mismong babaeng kasama niya ang may kinalaman sa krimeng sinusubukan niyang lutasin.
Sa halip na sundan ang kumbensiyonal na takbo ng isang love story, pinili ni Isabel na bigyan ng mas masalimuot na emosyonal at romantikong tensiyon ang relasyon nina Dahlia at Charlie.
Isa sa mga kapansin-pansing desisyon ni Isabel bilang direktor ang hindi pagsama ng isang sex scene sa pagitan ng dalawang karakter. Para sa kanya, mas mahalagang panatilihin ang atraksyon at tensiyong namamagitan sa kanila kaysa agad itong bigyan ng pisikal na katuparan.
Ipinaliwanag niya ito sa isang panayam:
“Because I feel like I would dissipate the tension, whatever tension there is between them, erotically or sexually, if I consummate that.”
Ibinahagi rin ni Isabel ang karanasan niya sa pagkuha ng isang intimate scene kasama si Arjo, kung saan ramdam na ramdam niya ang pisikal na presensiya ng aktor.
“I can literally feel Arjo’s breath on me when we shot that.”
Ipinakikita ng mga pahayag na ito kung gaano kahalaga kay Isabel ang maliliit na kilos, tinginan at pisikal na distansiya sa pagpapahayag ng atraksyon at damdamin ng dalawang karakter. Hindi kailangang maging lantad ang isang eksena upang maiparamdam sa manonood ang matinding tensiyon sa pagitan ng dalawang tao.
Higit pa sa isang crime thriller, ang Moonglow ay kuwento rin ng kapangyarihan, pagtataksil, atraksyon at moralidad. Binibigyang-buhay ito ng dalawang karakter na may magkasalungat na interes ngunit tila hindi maiwasang mahila sa isa’t isa.
Nagkaroon ng Philippine premiere ang Moonglow sa ika-14 na edisyon ng QCinema International Film Festival.
Tampok din sa pelikula sina Sylvia Sanchez, Agot Isidro, Carlos Siguion-Reyna, Dennis Marasigan, Paolo O’Hara at Frances Makil-Ignacio.