Advertisers

Advertisers

Matapos kumpirmahin ng BPI ang dollar account… P817-M, ‘DI PA BUONG YAMAN NI VP SARA?

0 20

Advertisers

LUMUTANG ang mga dollar-denominated bank account ni Vice President Sara Z. Duterte na nagbukas ng posibilidad na mayroon pa siyang ibang yaman na hindi naideklara, bukod sa P817.87 milyong umano’y unexplained wealth na iniimbestigahan sa nagpapatuloy na impeachment trial laban sa kanya.

Ito ang iginiit ng House prosecution panel kasunod ng pagkumpirma ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na may dollar accounts ang Bise Presidente.

Ipinaliwanag ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na hindi kabilang sa mga rekord pinansiyal na ginamit bilang batayan ng natitirang impeachment complaint ang naturang mga foreign currency account.



“Ang dollar accounts ang nagpapatunay na mayroon pang posibleng mga asset o yaman na hindi pa naideklara o hindi naisama sa reklamo sa ilalim ng Article II tungkol sa unexplained wealth,” pahayag ni Adiong.

Nauna nang ipinaalam ng BPI sa Senado na may mga dollar-denominated account si Duterte. Gayunman, hindi nakuha ang mga detalye ng balanse at transaksiyon sa mga naturang account sa pamamagitan ng mga subpoena na sumaklaw sa kanyang mga peso account.



“Partikular po iyong naging tugon ng BPI, kungsaan inamin at kinumpirma nilang mayroon pong dollar accounts,” ani Adiong.

Inamin din ng tagapagsalita ng prosekusyon na hindi kabilang ang mga dollar account sa mga ebidensiyang unang iniharap sa ilalim ng Article II, na tumatalakay sa hindi maipaliwanag na yaman, maling deklarasyon ng mga ari-arian at ipinagbabawal na interes sa negosyo.



“Bagama’t, para maging patas, hindi naman talaga naisama sa mga reklamo ang mga dollar account na ito,” paglilinaw niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6426, mahigpit na pinangangalagaan ang pagiging kompidensiyal ng mga deposito sa foreign currency. Naiiba ito sa batas na Republic Act No. 1405 na nagtatakda ng pagiging lihim ng mga deposito sa piso, ngunit kinikilala ang impeachment cases bilang isa sa mga eksepsiyon.

“Ang aming obserbasyon, hindi lamang iyon ang maaaring asset ng Bise Presidente. Posible pang mayroon siyang iba,” paliwanag ni Adiong.

Nauna namang binawi ng depensa ang planong pagpapaharap bilang testigo kay BPI Senior Vice President Paul Roderick Ysmael, kaya hindi nagkaroon ng pagkakataon ang mga tagausig na usisain siya tungkol sa mga foreign currency account na natukoy sa liham ng bangko sa impeachment court.

“Sa palagay namin, maaaring kaya binawi ang pagharap ng mga opisyal ng bangko ay dahil magkakaroon ng pagkakataon ang prosekusyon na magsagawa ng cross-examination,” ani Adiong.

Kung kabilang sa mga dokumentong ipinatawag sa pamamagitan ng subpoena ang naturang mga rekord at gagamitin itong ebidensiya ng depensa, magkakaroon din ng pagkakataon ang prosekusyon na tanungin ang testigo sa pamamagitan ng cross-examination.

Ipinahiwatig ng mambabatas na posibleng nais ng depensa na maiwasan ang mas malalim na pagsusuri sa mga naturang account. Gayunman, wala pang napapatunayang dahilan ang prosekusyon kung bakit binawi ang pagharap ng mga opisyal ng bangko bilang mga testigo.

“Mukhang iyon ang ayaw nilang mangyari at iyon ang nakita nilang butas na posibleng magpalaki pa sa isyu ng unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte,” diin ni Adiong.