Advertisers
Ni Beth Gelena
Hindi lang ganda at kaseksihan ang ipinamalas ni Andrea Brillantes sa international scene dahil pati husay sa pag-arte ay kinilala na rin sa London!
Wagi si Andrea ng Best Acting Performance Award para sa pelikulang Laya sa Women and the World International Film Festival 2026 na ginanap sa London.
Mas naging espesyal para sa aktres ang pagkilalang ito dahil ang Laya ang kauna-unahan niyang pelikula bilang lead actress.
Ang Awards Ceremony ay ginanap kamakailan sa Vue West End, Leicester Square, London.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Andrea ang ilang larawan at video mula sa festival, kabilang ang sandaling lumabas sa malaking screen ang kanyang pangalan bago ipinakita ang katagang “AWARD WINNER.”
Ipinakita rin niya ang glass plaque na may nakaukit na pangalan niya, titulo ng pelikula at award na kanyang naiuwi.
Bukod sa kanyang pagkapanalo, kapansin-pansin din ang naging red-carpet appearance ni Andrea na suot ang isang eleganteng black lace gown na may feather details, bagay na bagay sa kanyang mahaba at platinum-blonde na buhok.
Nagpasalamat naman siya sa festival jury, sa direktor na si Sigrid Andrea Bernardo, sa kanyang co-star na si JC Santos at sa buong production team na naging bahagi ng pelikula.
“So honored to receive the Best Acting Performance Award for Laya at the Women and the World International Film Festival in London. ?? This recognition means so much to me, especially because Laya is my first leading role in a film. Truly grateful to have my work recognized on an international stage,” bahagi ng kanyang pahayag.
Ipinagmamalaki ng aktres ang pagkakataong mai-representa ang Pilipinas sa naturang international gathering ng mga filmmaker at storyteller.
Samantala, isa sa mga unang nagpaabot ng pagbati sa kanya si Anne Curtis na nag-iwan ng komento sa kanyang post.
“Congratulations bb girl! ” mensahe ni Anne.
Marami ring fans at kapwa artista ang nagpahayag ng kanilang tuwa at suporta sa pagkapanalo ng aktres.
Hindi pa man naipapalabas sa mga sinehan ang Laya, may international recognition na agad itong naiuuwi, patunay na malaking milestone sa career ni Andrea ang pagkakaroon ng kanyang unang lead role.