Advertisers
Patay na nang matagpuan ang 46 anyos na binatang public school teacher sa sala ng kanyang bahay sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM), Bulacan.
Kinilala ang biktima na si Milfredo Dayrit, guro sa Sapang Palay National High, at residente ng Purok 11 upper, Brgy. San Pedro.
Sa report ng SJDM police, nadiskubre ang bangkay 7:00 ng umaga nitong Marso 10, sa kanyang bahay.
Ayon sa report, isang saksing itinago sa pangalang Vilma ang naka-amoy ng nakakasulasok na amoy mula sa bahay ng guro.
Sinilip ng saksi ang bahay hanggang sa makita ang bangkay ng guro na nangangamoy na sa kanyang sala.
Agad siyang humingi ng saklolo sa kanilang barangay na tumawag naman ng mga awtoridad para maimbestigahan ang nangyari.
Napaulat na naliligo sa sariling dugo ang biktima at ang inisyal na nakikitang motibo ang panloloob at pagnanakaw, ayon na rin sa Facebook post ng malapit na dating estudyante nito.
Patuloy ang malalimang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo at ang nasa likod ng krimen.