Advertisers
INIHAYAG ng Department of Foreign Affairs (DFA) na gumugulong na ang paglilikas na ginagawa ng gobyerno ng Pilipinas sa mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan sa Sudan.
Sinabi sa Laging Handa public briefing ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega na sa mga susunod na oras ay may mga batch na ng mga Pilipinong makasasakay sa evacuation buses patungong Egypt.
May nauna na aniyang tatlong babaeng nagtatrabaho sa Saudi Airlines na dinala ng Saudi government sa Port Sudan.
Sinasabing ang tatlong Pilipinong ito ay naipit sa Khartoum habang sakay ng eroplano ng kompanya.
Mula naman sa Port Sudan ay sinundo ang mga Pinoy ng isang military vessel galing Saudi patungong King Faisal Naval Station sa Jeddah kung saan sila sinalubong ng consul sa lugar.
Kasabay nito, nakiusap si de Vega sa Saudi na kung maaari ay isama na rin ang iba pang mga kababayan natin doon na maaaring isabay patungong Port Sudan at mula roon ay kung mayroon bang repatriation ships para maisakay pauwi ng bansa.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na mayroon pang ibang mga Pilipino rin na kusang-loob na dinadala ng kanilang mga amo palabas ng Sudan sa pamamagitan ng pagkuha ng reservation buses sa naturang bansa. (GILBERT PERDEZ)