Advertisers

Advertisers

GOODBYE ‘BASURA BEACH’, HELLO ‘NEW BASECO BAYWALK’ – ISKO

0 307

Advertisers

PAALAM na sa nakagisnang ‘Basura Beach’ at welcome sa ‘New Baseco Baywalk.’

Magkasamang pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna inagurasyon ng ‘New Baseco Baywalk’ kung saan ang mga residente ng Baseco ay maaari ng makapaglakad-lakad, exercise o magpalipas ng oras kasabay ng pakiusap na panatilihin itong malinis sa lahat ng oras.

Kasama ng tandem nina Moreno at Lacuna sa isinagawang simpleng seremonya ang mga barangay officials at city officials na tumulong upang mabigyang daan ang katuparan ng bagong baywalk sa Baseco, sila ay sina city engineer Armand Andres, department of public services chief Kenneth Amurao at city electrician Randy Sadac. Silang lahat ay pinasalamatan ni Moreno sa kanilang ambag para sa total makeover ng Baseco Beach.



Sa kanyang talumpati, ipinangako ni Moreno na marami pang pagbabago ang magaganap sa Baseco, ito ay sa suporta ni Lacuna na siya ring pinuno ng Manila City Council bilang presiding officer. Binigyang pansin ng alkalde ang Baseco dahil sa simula pa lang ay hindi ito plinano bilang residential area

Hindi na dinetalye ni Moreno, pero inanunsyo nito na maraming planong pagbabago na nakalinya sa Baseco: “In a few weeks from now, ipakikita ko sa inyo ‘yung tunay na pagmamahal sa mahirap. May gagawin kami.. mas maayos, may dignidad malinis, panatag… unti-unti.”

Maliban sa paglilinis ng mga basura sa Baseco waters sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na clean-up operations, isang malalakarang baybayin ang ipinalit sa dating marumi, mabaho, masangsang na coastal area ng Baseco na mayroon pang mga lampposts na magbibigay liwanag sa gabi sa mga naglalakad at nagpapalipas oras para sa kanila ring kaligtasan.

Umapela ang alkalde sa mga residente na magkusang-disiplina at panatilihin ang kalinisan sa nasabing lugar at sinabing hindi dahil sa mahirap at kailangan na ring maging dugyot, salaula at mabaho.

“Ngayon, ipakikita nating me gobyerno, pamamahala at malasakit pero me kaakibat na disiplina sa atin. Pag nililingon tayo ng pamahalaan, ang pakikipagtulungan natin sa pamahalaan ay pakikiisa sa pagsasaayos. Kaya mahalagang maituwid ang kaisipan. Di baleng mahirap, basta me dignidad sa pamumuhay,” sabi ni Moreno.



Nanawagan din ang alkalde sa mga magulang na huwag katamaran ang paggabay sa kanilang mga anak kasabay ng paggunita noong kanyang kabataan na bilang isang squatter pero busog sa pangaral ng magulang na nagbigay sa kanya ng mataas na dignidad sa buhay.

“Me dignidad din kahit mahirap. Nag-aral ako sa Delpan, dating Tulungan Center. Ano ibig sabihin? Ang isa palang taga-Parola Binondo, o Parola Tondo ay pwedeng maging mayor ng Maynila. Puwede pala maging mayor ‘yung anak n’yong uhugin, tulukin alipungahin…ganun din naman ako noong bata ako pero pag itinama at nagpursigi sa buhay, merong masaganang bukas,” sabi ng alkalde.

Idinagdag pa nito na: “Oo squatter kami… mahirap kami.. pero kami ay disiplinado at may pangarap umangat sa kinalalagyan. Tiyagain ninyo ang inyong anak..nangyari sa akin eh di pwede rin sa anak nyo.”

Ang Baseco ay dating daungan ng National Shipyards and Steel Corp. Noong unang bahagi ng 1960s, ang NASSCO ay binili ng Romualdez family sa pamamagitan ng Bataan Shipping and Engineering Co. kung saan nagmula ang pangalang Baseco at noong 1980s ang Baseco ay naging barangay at dinagsa ng mga informal settlers at naging highly-populated, kung saan dumating sa punto na sa sobrang dami ng tao ay sa bundok na ng basura nagtatayo ng kanilang barong-barung. (Andi Garcia)