Advertisers
“PASOK sa kanang tenga at labas din naman sa kaliwa”, ang panawagan ng kauupong Batangas Acting PNP Provincial Director P/Col. Samson B. Belmonte sa kanyang mga kapulisan na tila nakatakdang mabigo. “Allow me to serve Batangas PPO with all my capacity. Let us show the community the true meaning of Serbisyong Nagkakaisa”, ang panawagan ng matikas na colonel sa kanyang mga tauhan sa pagtanggap nito ng mando bilang bagong pinuno ng kapulisan sa limang siyudad at 29 na bayan, noon lamang June 27, 2023.
Asam ni Col. Belmonte ang tinatawag nitong “Serbisyong Nagkakaisa” na sa madaling salita ay paglilingkod ng tapat sa lalawigan ng kanyang boss at Batangas Gov. Hermilando “Dodo” Mandanas na ayon sa ulat ay naging instrumento sa pagkakasibak kay Col. Rainerio De Chavez na halos isang buwan lamang na namalaging Batangas OIC PNP Provincial Director.
Ang kopya ng panawagang ito ni Col. Belmonte ay nakaabot sa sirkulo ng media sa pamamagitan ni P/Capt. Pauline P. Fernando, Chief ng PNP Provincial Public Information Office kaalinsabay sa pagluklok ng dati ding opisyal ng PNP Special Action Force at Highway Patrol Group (HPG) noong June 27, 2023.
Ang prediksyon ng nakararami ay mahihirapan si Col. Belmonte na matamo ang kanyang mithing “Serbisyong Nagkakaisa” sa lalawigan na maraming PNP officer na may katigasan ang ulo.
Bakit? Hindi lamang matitigas ang ulo at mahirap pasunudin ang maraming police chief na nasa ilalim ng Batangas PNP Provincial Police Office? Papaano nila susundin si Col. Belmonte kung mawawalan naman sila ng ganansya mula sa mga operator ng paihi, pasingaw patulo o buriki, illegal gambling at iba pang kailigalan sa kanilang area of responsibility (AOR)?
Paano naman pakikinggan ang kahilingan ng new PD kung marami din sa kanila ang matitigil ang “padating” mula sa mga maintainer ng Small Town Lottery (STL)-con jueteng o bookies, sakla, pergalan (perya at sugalan) at iba pang iligalista sa kani-kanilang hurisdiksyon?
Ang hindi din alam marahil ng PNPA graduate na colonel ay hindi iilan sa kanyang mga police chief ang kunyari lamang ay harapang nakangiti at sang-ayon sa kanya, ngunit ang katotohanan ay “ngising aso” lamang ngunit tutol sa panukala ni Col. Belmonte.
Maipagpapalit kaya sa panawagan ng masipag, magaling at maasahang new PD ang “kaway ng mga ilegalista at maipipikit ang kanilang mga mata sa nakasisilaw na kinang ng salaping hawak at ipinamumudmod ng mga naturang elementong kriminal?
Hindi naman sa pinararatangan natin na tumatanggap ng weekly intelhencia, suhol, lagay o tongpats ang ilan sa mga nakaupong police chief ni Col. Belmonte, ngunit dapat patunayan nila na mali ang suspetsang kaalam sila sa mga kailigalang nagkalat sa kanilang AOR?
Para sa kaalaman ni Col. Belmonte ang ilan lamang sa mga lugar sa Batangas na may kwestyunableng performance ang mga police chief ay ang Tanauan City, Malvar, Mabini, Bauan, Balayan, Ibaan, Laurel, Lemery, Lian, Padre Garcia, Taal, Nasugbu at Calatagan.
Sa siyudad nina Tanauan City Mayor Sonny Collantes at Police chief LtCol. John G. Rellian “nasa tungki lamang ng ilong” ng mga pulis ang operasyon ng 34 na STL-con jueteng at STL-con drug operator na kinabibilangan nina Ocampo, Ablao, Ms. Bagsit, Dimapilis, Biscocho at iba pa.
Ngunit dahil may weekly payola na Php 1.5 sa isang top city hall official at Php 1.5 din sa ilang PNP top brass ay tila naging bulag, pipi at bingi sina Mayor Collantes at LtCol. Rellian?
Sa bayan ng Laurel talamak ang operasyon ng STL-con jueteng at STL-con droga ng isang alyas Bruce sa lahat ng barangay na sakop ng nasabing bayan. Alam kaya ito ni Police Chief Major Edgar Sumadsad?
Sa Brgy. Bulihan sa bayan ni Malvar Mayor Crestita Reyes at Police Chief Major Jonathan S. Amutan ay nag-ooperate ang paihian o burikian ng produktong petrolyo ng magkasosyong Rico at Ed, bukod pa sa pergalan (perya at sugalan) sa Brgy. Santiago ng isang Glenda.
May mga paihian, pasingawan o burikian din at laganap pa ang operasyon ng STL-con jueteng o bookies sa sakop nina Calaca City Mayor Naz Ona at Police Chief LtCol. Eduardo D. Balita. May isa pang kuta ng paihi o buriki, bukod pa sa talamak na operasyon ng jueteng o STL bookies kina Mabini Mayor Nilo Villanueva at Police Chief Mickglo Marinas.
Ngunit ang pinakamatindi sa lahat ay ang dalawang aakalaing mini casino na pasugalan sa Brgy. Manghinao, na pinamumunuan ni Chairman Asher Decepeda at sakop ng munisipalidad nina Bauan Mayor Ryan Dolor at Police Chief LtCol. Nestor Cusi.
Ang mga pasugalang pinatatakbo ng isang Madam Norma ay protektado ni alyas “Little Mayor” na napaka-impluwensya sa munisipyo kaya takot tinagin ng kapulisan ng Bauan. Ipinagyayabang pa ni Madam Norma na mag-aambag siya ng campaign fund sa re-election bid ni Chairman Decepeda sa darating na October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE). May karugtong
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.