Advertisers
NOONG nakaraang Lunes ay tuluyan ng tinapos ng Department of Tourism ang kontrata nito sa advertising firm na DDB Philippines.
Una ng umani ng kontrobersya at batikos ang DDB Philippines, matapos mabuking ng publiko na mga stock footage at mga tourist attractions pala mula sa ibang mga bansa ang ilang material na ginamit nila sa kakalunsad lamang na “Love the Philippines” ad campaign video ng DOT.
Gusto kasing i-rebrand ng DOT ang tourism campaign para mapalakas at mahikayat ang mas maraming dayuhang turista na bumisita sa bansa, kahit epektibo rin naman ang ibinasura nitong ‘Wow Philippines’ campaign slogan.
Kung iisipin ay tapos na ang kuwento sa isyu ng DDB Philippines dahil sinabi naman ng DOT na hindi pa nila ito nabayaran, at sinabi rin ng kumpanya na wala pa silang sinisingil sa gobyerno.
Kung iyon lang ang pagbabasehan ay tapos na talaga ang kuwento kasi wika nga sa Ingles ay ‘no harm, no foul”.
Pero kung pagbabasehan ang ilang alingasngas ay mukhang hindi ganoon kasimple ang talagang eksaktong nangyari sa nadiskaril na ad campaign ng DOT.
Base kasi sa mga impormasyong ating nakalap at sa online posts na rin ng ilang netizens kabilang na ang isang Ding Velasco, lumalabas na hindi simpleng kapalpakan ng DDB ang nangyari.
Kung totoo ang impormasyon, lumalabas na matapos na maiselyo ng DDB ang kontrata sa halagang P 49-M ay biglang lumutang ang isang opisyal na taga-palasyo.
Sa hindi malamang halaga este dahilan pala, ay nakialam ito sa produksyon at maging sa magiging content ng ad campaign.
Isa umano sa pinakialaman nito ay ang mismong ‘Love the Philippines’ slogan kung saan sa orihinal na storyboard ay may comma ito kaya ang mababasa dapat dito ay ‘Love, The Philippines’ na parang pagbati sa isang sulat.
Pero balik tayo sa pakialamerong opisyal na ito, ang mas malalim na tanong ay bakit ba siya nakialam?
Base sa usap-usapan diyan sa mga sosyal na coffee shops gaya ng Starbucks at UCC, lumalabas na mukhang nagamit lang na front ang DDB para maibulsa ang kontrata.
May sarili yatang production company ang opisyal, kaya ito siyempre ang kumuha ng trabaho.
Kaya naman lumalabas na ang sablay na final cut nang ad campaign ay output ng mga bata ni pakialamerong opisyal.
He-He! Kung totoo ito ay kawawa naman talaga ang DDB Philippines dahil binawi na nga ang kontrata, sila pa ang nasisi sa kasalanang di nila ginawa.
Ang mas masakit pa nasira na ng husto ang imahe nila bilang isang advertising firm. Tsk!
Ayaw naman nating isipin na pati ang ad campaign ng DOT ay gusto pang pagkaperahan ni opisyal lalo pa at hindi naman ganoong kalaki ang halaga nito, KUNG iyong nasa papel lang ang pagbabasehan.
Anyway, nandiyan naman ang mahuhusay nating mga mambabatas diyan sa Kongreso especially sa Senado, baka gusto nilang silipin at imbestigahan in aid of legislation ang totoong pangyayari sa likod ng palpak na ad campaign na ito ng DOT.
Abangan!