Advertisers
ANG Batangas ay isang progresibong lalawigan sa Region 4-A, pero sa pag-usad ng panahon ay unti-unting nabubura ang pagkikilanlan nito bilang business hub sa bahaging ito ng Timog Katagalugan kapalit ng bansag na “Vice Capital” dahil sa di matigil-tigil at lantarang operasyon ng paihi at iligal gambling na ginagamit na prente ng kalakalan ng droga at ibat ibang uri ng iligal.
Halimbawa nito ay ang di naaksyunan na ala mini casino na pasugalan sa tabi lamang ng Lian Public Market sa pinaka-pusod ng bayan nina Lian Mayor Josep Peji at local Police Chief Major Jeffrey Dallo.
Unang lumutang na NPA commander daw ang operator ng pasugalang may bilyaran at madyungang milyones ang pustahan, bukod pa sa may malakihang tayaan na color game, sakla, cara y cruz at iba pang pasugal. Ngunit sa dakong huli ay nabunyag na hindi pala NPA ang operator kundi kaalyado sa pulitika ni Mayor Peji at may padrino pa sa opisina nina Maj. Dallo at ng Batangas PNP Provincial Headquarter sa Camp Miguel Malvar, Batangas City?
Sa kabila ng reklamo ng mga residente laban sa pagkakaroon ng mga iligal na pasugalan sa Lian, tila manhid naman sina Mayor Peji at Major Dallo?
May tatlo namang malalaking sakla den sa bayan nina Padre Garcia Mayor Celsa Braga-Rivera at Police Chief Major El Cid Villanueva bukod pa sa laganap na operasyon ng jueteng o STL bookies ng drug/ jueteng lord na sina Tisoy at Nonit sa 18 barangay ng naturang bayan.
Ang mga saklaan sa Brgy. Sambat, Padre Garcia ay hayagang nag-ooperate sa bahay ng isang Villestas at ang bookies operation sa naturang bayan ay ilang taon na ding hayagang nag-ooperate, ngunit walang naaaresto o zero accomplishment laban dito si Maj. Villanueva. Ang dalawa pang saklaan ay nasa Malvar Street at Brgy. Payapa ng nabanggit din munisipalidad.
Sa munisipalidad ng Lemery ay 24/7 naman ang operasyon ng isang paihian na tila di naaamuyan ni Mayor Ian Alilio at Police Chief Major Gerry Abalos.
Dapat manmanan ni PD Col. Belmonte si Taal town Police Chief Major Fernando D. Fernando pagkat bigong sawatain nito ang operasyon ng pergalan ng isang alyas Correa sa Brgy. Butong, ganon din si Balayan town Police Chief Maj. Domingo Ballesteros Jr. na hindi din mapatigil ang operasyon ng pergalan ng isang Gigi sa Brgy. Sampiro.
May nag-ooperate ding paihian o burikian sa siyudad ni Calaca Mayor Naz Ona at Police Chief LtCol. Eduardo Balita kung saan talamak din ang operasyon ng jueteng gamit na front ang STL-con jueteng o bookies.
Ang police chief ng bayan ni Calatagan Mayor Peter Oliver Palacios na si Maj. Emil O. Mendoza ay kailangang papagpaliwanagin din kung bakit di mapatigil ang hayagang pangongolekta ng taya sa STL-con jueteng maging sa police station tulad din sa bayan ng Nasugbu.
Ang operator ng STL-con bookies at Lotteng sa Calatagan at Nasugbu ay isang Willy Bokbok na kilala din sa larangan ng illegal drug trade. Si LtCol. Reynaldo Domelod ang hepe ng naturang bayan na dapat ding masusing pagpaliwanagin ni Col. Belmonte.
Sa bayan ni Ibaan Mayor Joy Salvame ay ratsada din ang STL-con jueteng operation ng magkasosyong Hernandez at Rocio na kapwa nagyayabang na political ally ng mayora at bukod kay Ibaan Police Chief Maj. Janver C. Cabatana ay may ipinangangahas pang isang NBI agent?
Kung tatanungin ni Col. Belmonte ang mga nabanggit na police chief na may mahihinang performance, tiyak na sasabihin ng mga ito sa kanilang PD na wala silang alam sa mga nagaganap na kabalbalan sa kani-kanilang AOR.
Sa paglalagom ng kanilang mga performance kailangan marahil kunsiderahin ni PD Col. Belmonte ang pagpapalit ng hepe ng kapulisan sa Tanauan City, Padre Garcia, Malvar, Bauan Laurel, Ibaan, Lian, Taal, Lemery, Calaca, Calatagan, Nasugbu at Mabini.
Kung may mga nakaligtaan pa tayong mga hepe ng Batangas Police ay ating kumustahin sa kanilang mga pinaggagagawa at sa kanilang mahimbing na “pagkakatulog sa pansitan”? Hoy, Gising! May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.