Advertisers
ARESTADO ang anim na holdaper na mga taga-probinsya ng Davao Oriental at dumayo sa Kidapawan City nitong Martes.
Kilala ang mga naaresto ng local officials sa mga bayan ng Banaybanay at Lupon sa naturang probinsya na matagal nang may mga illegal na mga gawain.
Nasa kustodiya na ng Kidapawan City Police Office ang mga “holdaper” na kinilalang sina Gemar Solidag Tipan, 36; Manilito Paragas Linda, 42; Allan Colita Miesco, 49; Dennis Singson Sefuentes, 40; Denver Jay Sefuentes, 35; at Arcadio Tipan Sefuentes Jr., 57, na nakorner ng mga humahabol na pulis sa Jose Abad Santos st. ng lungsod.
Kakatapos lang umano mangholdap ng grupo sa Alabata Store sa Barangay Malasila, Makilala, Cotabato nang maharang ng mga kasapi ng Kidapawan City Police at ng mga operatiba ng Cotabato Provincial Police Office sa isang mataong lugar sa bahagi ng Jose Abad Santos street.
Nakumpiska sa grupo ang isang 9 millimeter pistol, tatlong .45 caliber pistol at isang Mitsubishi Strada pick-up truck na gamit nila sa panghoholdap.
Ayon kay Brig. General Jimili Macaraeg, direktor ng Police Regional Office-12, inaalam nila kung sangkot din sa panghoholdap ang anim sa iba pang mga probinsya sa Mindanao.
May theory ang police officials sa Cotabato province at sa PRO-12 na posibleng may balak mangholdap sa Kidapawan City ang grupo dahil sa halip na bumalik na patungong Davao area, sa naturang lungsod sila nagtungo kungsaan sila natunton ng mga pulis na naghanap sa kanila.
Mismong mga residente ng Barangay Piso sa Banaybanay ang nagkumpirma na tatlo sa anim na nasakoteng mga holdaper ay residente ng naturang barangay.