Mayor Sandoval kinilala pagsisikap ng mga graduate, natatanging estudyante ng Malabon; DepEd katuwang sa pagtataguyod
Advertisers
PINAGTIBAY ng pamahalaang lungsod ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval ang pagkilala sa kakayahan ng mga graduate, completer at mga outstanding na mag-aaral sa K to 12 sa lungsod.
Dito ay namigay ang local government unit ng Malabon ng sertipiko ng pagkilala sa mga nagtapos na estudyante kasama ang mga completer at mga natatanging mag-aaral sa lungsod.
Taliwas ito sa ulat na may larawan ng alkalde ang sertipiko ng pagtatapos ng mga estudyante sa lungsod.
Nilinaw din ng tanggapan ng alkalde na hindi sertipiko ng pagtatapos ang ipinamigay ng pamahalaang lungsod kundi sertipiko ng pagkilala ng pamahalaang lungsod. Tanging ang Department of Education (DepEd) lamang ang nagkakaloob ng sertipiko ng pagtatapos.
Ayon sa tanggapan ni Sandoval, ang ipinamigay na sertipiko mula sa lokal na pamahalaan ay bilang pagkilala sa pagsisikap ng mga bata sa kanilang pag-aaral. Ito ay isa ring pagkilala sa walang sawang pagsisikap ng bawat pamilya na matiyak na ang kanilang anak ay may magandang kinabukasan.
Mahigpit na sinusubaybayan ng alkalde ang performance ng mga mag-aaral upang tiyakin na ang mga pampublikong paaralan sa Malabon ay nakapagbibigay ng dekalidad na edukasyon na nararapat sa bawat Malabueño.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Sandoval, nagsumikap makakuha ng kinakailangang pondo ang pamahalaang lungsod para sa bawat pampublikong paaralan upang masigurado nito ang pagbigay ng de-kalidad na edukasyon.
Nagsisilbi rin itong patunay sa dedikasyon ng mayora upang matiyak na ang nabibigay na pondo sa mga paaralan na nanggagaling sa buwis ng mga Malabueño ay nagkakaroon ng magandang resulta sa edukasyon ang mga mag-aaral mula K to 12.