Advertisers
Patay ang 11-anyos na batang lalaki nang mabangga ng e-bike habang tumatawid sa Navotas City, Sabado ng gabi.
Hindi na nagawang maisalba ng mga manggagamot ang biktima sa Tondo Medical Hospital dahil sa mga pinsala sa ulo ng biktima.
Pinaghahanap naman ngayon ng pulisya ang driver ng e-bike na si Ralph Justine Mahusay, 18, ng E. Mariano St., Brgy. Tangos-South na tumakas matapos malaman na namatay ang biktima.
Sa ulat kay Navotas Police Chief P/Col. Santos Sumingwa Jr., 11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng A.R. Cruz., Brgy. Tangos South, Navotas City.
Tinatahak ng e-bike na minamaneho ng salarin ang kahabaan ng A.R Cruz Street patungo sa Tanglaw ng Wawa, Brgy. Tangos South nang mabangga nito ang biktima na tumatawid sa lugar.
Bumagsak ang biktima at humampas ang ulo sa sementadong kalsada sa lakas ng impact kaya isinugod ito ng mga tanod ng Barangay Tangos North sa nasabing hospital pero binawian din ng buhay.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.(Beth Samson)