Advertisers
Nasakote ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal na umano’y sangkot sa human trafficking, kasunod ng serye ng entrapment at rescue operation sa Parañaque City noong Mayo 7.
Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon ng Homicide Division matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang non-government organization hinggil sa umano’y sindikato na gumagamit ng spa at wellness services bilang front sa sexual exploitation.
Lumabas sa imbestigasyon na inaalok ang mga biktima bilang “therapist” para sa tinatawag na “nuru massage” at “lingam massage”, ngunit kalaunan ay natuklasang may sangkot ditong sexual services kapalit ng pera.
Dahil dito, nagsagawa ng surveillance at online monitoring ang NBI hanggang sa matukoy ang isang establisimyento na “Rainbow Spa”, na sinasabing sentro ng ilegal na operasyon.
Sa entrapment operation, nagpanggap na kliyente ang mga operatiba na inalok ng serbisyo ng dalawang babaeng therapist at dinala sa isang apartelle. Matapos maibigay ang marked money, agad na isinagawa ang rescue operation at inaresto ang dalawang lalaking umano’y nagdadala ng mga biktima sa mga kliyente.
Kasunod nito, dalawa pang suspek ang naaresto at walo pang biktima ang nasagip sa isang bahay sa Fortunata Village, Parañaque. Natuklasan din na may mga menor de edad na dinadala sa iba’t ibang lokasyon para sa serbisyo.
Natunton din ng mga operatiba ang mag-asawang itinuturong nasa likod ng sindikato sa Fourth Estate, Barangay San Antonio, na naging dahilan ng kanilang pagkakaaresto.
Samantala, isa pang menor de edad ang nasagip at isang kliyente ang naaresto sa hiwalay na operasyon sa isang motel sa Pasay City, habang isa ring biktima ang nasagip sa gitna ng inventory at verification operation sa Fortuna Village.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek sa paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.(Jocelyn Domenden)