Advertisers
BINUKSAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad ng pag-angkat ng bigas sa Cambodia kasunod ng pagtama ng sunod-sunod na bagyo na labis nakaapekto local rice production sa bansa at pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Nangyari ito matapos makipagpulong si Marcos kay Cambodian Prime Minister Hun Manet sa sidelines ng 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Sinabi ni PBBM na umaasa siyang mas mapapatatag pa ang ugnayan ng dalawang bansa sa usapin ng seguridad sa pagkain, kalakalan at komersiyo, at people-to-people exchanges.
Nais din ni Pangulong Marcos na mas mapalakas pa ang commercial aviation sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia.
Magugunitang dahil sa business-to-business deals sa pagitan ng Khmer Foods company ng Cambodia at Filipino importers ay nakapag-angkat ang bansa ng 2,500 tons ng bigas nitong Mayo ngayong taon.
Sa usapin naman ng civil aviation cooperation, nagkasundo ang magkabilang panig para sa pagpapalawak ng direct flights sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia kasunod na rin ng pagluluwag ng COVID restrictions.
Bukod sa Pangulo, kasama rin sa meeting sina Trade Secretary Alfredo Pascual, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, House Speaker Martin Romualdez, Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, at Presidential Communications Secretary Cheloy Velicaria-Garafil. (Gilbert Perdez)