Advertisers
NANGAKO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isusulong niya ang interes ng Pilipinas sa seguridad sa pagkain, enerhiya, at kalakalan sa kanyang pagdalo sa First Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit sa Riyadh, Saudi Arabia.
Sa kanyang departure speech, sinabi ni PBBM na dadalo siya sa summit bilang suporta sa pagpapalakas ng seguridad, ekonomiya, at socio-cultural collaboration ng dalawang regional group matapos ang mahigit sa tatlumpung taon.
Ayon kay Marcos, magiging mahalagang plataporma ang summit para sa Pilipinas upang bigyang-diin ang pangangailangan para sa kooperasyon sa enerhiya at seguridad sa pagkain, logistics, supply chains, digital transformation, malayang paggalaw ng kalakal, tao, at serbisyo, pati na rin ang pagpapabuti at proteksyon sa karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi pa ng Presidente na sa kanyang pagbisita sa kaharian ay bibigyang-diin niya ang adbokasiya ng Pilipinas para sa isang patakaran batay sa mga alituntunin ng pandaigdigang kaayusan upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaligtasan sa parehong mga rehiyon.
Samantala, habang nasa Riyadh, makikipagkita naman si Marcos sa Filipino community upang ibahagi sa kanila ang mahahalagang pag-unlad sa bansa at kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya.
Tinatayang 2.2 milyon ang mga Pilipino na nagtatrabaho sa iba’t ibang larangan sa rehiyon.
(Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)
VP SARA CARETAKER ULI
PANSAMANTALANG caretaker ng bansa si Vice President at Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio.
Ito ang isiniwalat ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si PBBM ay dadalo sa 1st ASEAN-Gulf Cooperation Council (GCC) Summit sa Riyadh, Saudi Arabia mula Oktubre 19 hanggang 20.
Dahil dito, pansamantalang si Duterte ang mangangasiwa sa pang-araw araw na gawain sa hanay ng ehekutibo habang wala si Pangulong Marcos.
Bukod naman sa ASEAN-GCC Summit at pakikipagkita sa Filipino community, inaasahang hihikayatin din ni PBBM ang mga malalaking negosyante sa Saudi na mamuhunan sa bansa. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)