Advertisers
SA Barangay Santiago, Malvar, Batangas, animo’y laging fiesta sa dami ng mga taong dumadayo araw-araw. Pinagkakaguluhan ang ibat ibang uri ng pasugal sa mini casino na inooperate ng isang gambling operator na nagngangalang Glenda na kilala ding “tulak” ng ipinagbabawal na droga.
Hindi lamang ang mini casino ni Glenda ang dinadagsa ng mga sugarol mula sa mga siyudad at munisipalidad ng Batangas kundi maging ang pinaka-malaking ilegal na sabungan o tupadahan na matatagpuan sa Brgy. Bagong Pook ng naturang bayan na inooperate naman araw-araw ng isang alyas General Abu-Sayaf aka General Abo-Gago.
Si General Abo Sayaf aka Gen. Abo-Gago ay maintainer din ng STL con-jueteng o bookies sa ilang munisipalidad sa Batangas at maging sa Malabon City. Hindi lamang ang pagiging ex- general ang ipinananakot nito kundi pati na ang pangalan ng kanyang “pamato” kuno na si First Lady Liza Araneta-Marcos.
Sa larangan ng vice operation sa bahaging ito ng Region 4-A, ang bayan ng Malvar ika nga ng ating mga KASIKRETA ang nangunguna. “Name it and you can have it” pagkat bukod sa mini casino ni Glenda at tupada ni General Abo Sayaf ay may operasyon pa ng STL con-jueteng o bookies sina Nestor at Eboy na ang rebisahan ng taya ay nasa Brgy. San Fernando na di kalayuan sa pasugalan ni Glenda.
Ang nakadidismaya, hindi puwedeng panghimasukan ng kapulisan na nasa ilalim ni Capt. Nemecio C. Calipio Jr. ang mga nasabing gambling joint sa takot na sila ay “sibugin” ng isang top municipal official na nagbigay ng bendisyon upang gawing parang legal ang operasyon ng mga nabanggit na pasugalan.
May nakabantay pang unipormadong pulis na lulan ng mobile patrol car ang puesto pijo o permanenting sugalan ni Glenda na nilumot na ng panahon sa tagal na nag-ooperate sa naturang lugar. Kapunapuna naman sa Face Book Page (FB) ng Malvar Police Municipal Office ay bumubulaga ang katagang “No to Illegal Gambling”, hehehe.
Walang dudang malakas at “untouchable” ang operator ng mga naturang pasugalan lalo na ang inooperate nga ni Glenda na color games, cara y cruz o tao-ibon na kilala ding pingpong dahil ilang hakbang lamang ang layo nito sa community police precinct pero tila walang alam si Capt. Calipio Jr. sa 24/7 o 24 oras na operasyon ng nabanggit na mga pasugalan.
Malaking istorbo sa mga pasyente ang pasugalang ito ni Glenda pagkat nasa tabi lamang ng CP Reyes Satellite Clinic for Dialysis Patients. Dito din nauubos ang suweldo ng karamihang empleyado at trabahor ng Lipa-Malvar (LIMA) Industrial Park, pagkat ilang hakbang lamang sa gate nito ang layo ng nabanggit na mga sugalan.
Suki din ang mga pasehero at tsuper ng mga pampasaherong jeep pagkat ang sugalan ni Glenda ay nakalatag lamang sa passenger jeep terminal at sa hanay ng mga karinderya sa Barangay Santiago.
Kung bakit mini casino, sapagkat lahat na yata ng sugal-lupa tulad ng beto-beto, sakla at ultimong ang napakadayang didal ay meron din si Glenda kaya dinarayo ang kanyang puesto pijo.
Ang matindi pa nito, mahigit sa isang taon at kalahati na ang ilegal na negosyong ito ni Glenda pero nganga at hindi kumikilos si Capt. Calipio Jr. para hulihin si Glenda at ang mga tauhan nito na napakalakas ang loob na bantay o poste para engganyuhin ang mga magsusugal na karamihan ay mga kabataan at estudytante na galing pa sa mga karatig bayan at siyudad.
Milyones kada araw ang umiikot na salapi na palipat-lipat sa mga kamay ng sugarol at mga tauhan o batos ni Glenda na namamahala sa nasabing gambling den kaya pakaisipin na lamang kung gaano ang pera na pumapasok sa bulsa ng nasabing vice lord at sa kanyang mga protektor?
Hindi nakapagtatakang lahat na nagtangkang patigilin o guluhin ang nasabing mini casino ay ginagamitan ni Glenda, hindi ng dahas kundi sinusuhulan ng daang libo hanggang milyones na halaga, tumahimik lamang at huwag perwisyuhin pa ang kanyang gambling den.
Ipinagmamalaki daw nitong si Glenda na kumare niya si Malvar Mayor Crestita Reyes at kaibigan sina PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at ang posibleng papalit dito na si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. Kaya ang mga awtoridad kahit ito pa ay mga taga- National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ay naaasiwang salingin ang nasabing mga pasugalan.
Ipinagyayabang pa ni Glenda na may “parating” siyang ayuda sa opisina ni Region 4-A Police Director BGEn. Paul Kenneth Lucas, sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Laguna at sa tanggapan ni Batangas PNP Provincial Director Col. Samson B. Belmonte, ganon din sa opisina ni Major Calipio Jr. at CIDG.
Nabatid ng SIKRETA na isang MAGSINO, kasama ang isang JEFF at nagpapakilalang aktibong PNP Sergeant ang “kapustahan” (police tong collector) ng PNP Region 4-A, Batangas PNP Provincial Police Office, Batangas Criminal Investigation Provincial Office at iba pang PNP unit.
Dapat kumilos sina BGen. Lucas, Col. Belmonte at ganon din si Mayor Reyes. Lansagin na ang perwisyong mga gambling joint ni Glenda at iba pang mga pasugalan sa bayan ng Malvar dahil bukod sa talamak na illegal gambling ay nagagamit din ni Glenda ang kanyang puesto pijo sa bentahan ng shabu ng mga mananayang na-adik na sa pagsusugal. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144