Advertisers
ANG Philippine National Police (PNP) ay lugmok na lugmok na sa kahihiyan at bagsak ang imahe dahil hindi nagagawa ng karamihan sa mga ito ang mandato bilang tagapagpatupad ng batas at tagapagtanggol ng sambayanan kung kaya’t kailangan ng bansa ang mga police officer na tulad ni Colonel Jacinto “Jack” Malinao Jr.
Hindi personal na kilala ng SIKRETA ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ito sa Region 4-A, pero dahil sa mga mga nababalitaan na husay nito sa pagganap sa kanyang sinumpaang tungkulin ay nararapat lamang na ipaalam sa taumbayan ang kanyang mga crime solution exploit at huwarang police career.
Ang SIKRETA na ang kalimitang tema ay mga police beat at mga istorya hinggil sa kriminalidad ay saksi sa mga kaganapan sa Pambansang Kapulisan, kasama na ang korapsyon at katiwalian na sangkot ang mismong mga opisyal na nagiging dahilan kung bakit ang imahe ng PNP ay di maganda sa pang-amoy ng sambayanan.
Bihira na sa ngayon ang mga nagtatrabahong pulis official tulad ni Col. Malinao Jr. na binansagan na ngang si “Detective Sherlock Holmes” ng PNP dahil sa sipag, galing at kakaibang kasanayan sa paglutas sa mga nangyayaring sensational crime na ang pinakahuli ay ang kaso ng nawawalang beauty queen. Ang supek na isang police major ay may patong-patong ngayon na kasong kriminal at administratibo.
Kasama ang iba pang opisyales at miyembro ng kapulisan ng Region 4-A, pinangunahan din ng grupo nina Col. Malinao Jr. ang paglusob may ilang araw pa lamang ang nakararaan sa isang warehouse sa magkahiwalay na barangay ng bayan ng Agoncillo kung saan pinepeke ang paggawa ng mga branded na sigarilyo ng isang sindikatong pinamumunuan ng isang alyas Dondon Alahas na kilala ding smuggler ng mga petroleum product na nagmumula sa mga bansang Russia at Malaysia.
Gamit na entry point ang lalawigan ng Masbate at Batangas City Pier ng smuggling activity nina Dondon Alahas na lider din ng paihi gang na nagkukuta sa Brgy. Calansayan sa bayan ni San Jose, Batangas Mayor Bien Patron, sa probinsya ng Batangas.
May 63 tauhan ni Dondon Alahas sa fake cigarette factory, anim sa mga ito ay mga Intsik ang naaresto ng mga awtoridad. Gamit ng grupong ito na front ang pagmamantine ng isang farm ng mga game fowl na inaalam na ng mga tauhan ni Col. Malinao Jr. kung sino ang nagmamay-ari.
Mahigit sa 700 karton ng fake cigarettes na milyones ang halaga at iba pang ebidensyang magdidiin sa kaso sa mga suspek ang nakumpiska sa naturang lugar na may isang taon na palang ginagamit sa ilegal na negosyo.
Hindi kasamang nadakip si Dondon Alahas, na hayag na protektado ng isang tiwaling Batangas based-lawyer na nahirang ng Marcos Administration bilang opisyal ng government-owned charitable ang income generating corporation.
Ang naturang abogado din ang dahilan kung bakit ilang taon nang nakapag-ooperate ng smuggling ring at paihian o burikian si Dondon Alahas, ngunit walang maglakas ng loob na kumanti o humuli sa kanya na mga police official mula sa Batangas PNP, PNP Region 4-A at maging ng National Bureau of Investigation (NBI). Hindi malayong madiskubre din na sina Alahas ay nasa likod ng malawakang kalakalan ng droga at mayroon pang drug o shabu laboratory?
Sa ulat pa sa SIKRETA ay nagbibigay ng milyones na protection money sa mga contact sina Alahas at ang naturang abogado na lingguhang kinokolekta naman ng isang nagngangalang Jeff at ex-Sgt. Adlawan na nagpapanggap na bata ng hepe ng CIDG Batangas Provincial Office.
Liban sa may weekly intelhencia na kinokolekta nina Jeff at ex-Sgt Adlawan sa smuggling nina Dondon Alahas, sa fake cigarette factory sa Agoncillo at paihian sa Brgy. Calansayan, San Jose ay kumukubra din ng “tara” itong dalawa sa may 30 operator ng pergalan (perya at sugalan) sa buong lalawigan ng Batangas lalo na sa puesto pijo na sugalan, drug den at putahan (prostitution den) na pinatatakbo ng isang Glenda sa Brgy. Santiago sa bayan ni Malvar Mayor Crestita Reyes at Brgy. Pinag-tong-olan, Lipa City, pawang sa lalawigan ng Batangas. Si Col. Malinao Jr. lamang at wala nang iba pa ang lumalaban sa sindikatong ito
Sa kasalukuyan, karamihan sa PNP na kung tawagin ay “lima-singko” ay mga walang kuwentang pulis dahil imbes na magtrabaho’y pinagkikitaan o pumapatong sa mga iligal at kriminal. Kailangan ng kapulisan ay isang asset na tulad ni Col. Jacinto “Jack” Malinao Jr.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144