Advertisers

Advertisers

FLIGHT OPERATIONS NG HANEDA AIRPORT, BALIK-NORMAL PAPUNTA AT PABALIK SA NAIA

0 15

Advertisers

BUMALIK sa normal na operasyon ang lahat ng flights sa Haneda Airport papunta at pabalik sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong Miyerkules matapos ang banggaan ng dalawang sasakyang panghimpapawid na kinasasangkutan ng isang Japan Airlines flight 516 at isang papaalis na Japanese Coast Guard aircraft noong Martes ng gabi sa Tokyo, Japan.

Ang Philippine Airlines flight PR 424 na may tinatayang oras ng pag-alis (ETD) na 7:05 PM papuntang Haneda ay na-hold sa NAIA Terminal 1, noong Enero 2, 2024, dahil sa pansamantalang pagsasara ng lahat ng runway sa Haneda dahil sa insidente .

Ang tagapagsalita ng PAL na si Cielo Villaluna ay nagsabi noong 8:55 PM noong Martes, ang PAL flight PR424 – Manila papuntang Tokyo Haneda – ay nagsimula nang tumanggap ng mga pasahero para sa pagsakay. Ito ay matapos nilang matanggap ang pinakabagong briefing mula sa Haneda airport authorities sa pagbubukas ng ilang runway.



Ayon kay Villaluna, ang flight PR424 ay umalis ng 9:30 PM, habang ang flight PR 423 mula Tokyo/Haneda patungong Manila ay dumating ng 3:30 AM, ( local time) noong Miyerkules, Enero 3.

Ang Japan Airlines Airbus A350 Flight 516 na may lulan ng 379 passengers at crew ay iniulat na umalis mula sa bagong airport ng Sapporo noong 4:00 PM (07:00 GMT) at lumapag sa Haneda bago mag-6:00 PM.



Ipinakita sa video na nagliyab ang pampasaherong jetliner habang ito ay nadulas sa nagliliyab na runway matapos bumangga sa coastguard aircraft – isang De Havilland Dash 8 turboprop.

Lahat ng 379 na pasahero at crew na sakay ng jetliner ay ligtas na inilikas samantalang lima sa anim na crew ng coastguard plane ang namatay, habang ang flight captain ay malubhang nasugatan.



Ang sasakyang panghimpapawid ng coastguard ay iniulat na papunta na upang magsagawa ng rescue at relief operations sa Ishikawa, Japan kasunod ng 7.5 magnitude na lindol.

Ang kuha sa TV ay nagpakita ng ilang mga trak ng bumbero na tumugon sa pinangyarihan habang inaapula ang usok at apoy mula sa Airbus. Ang video footage mula sa loob ng sasakyang panghimpapawid ay nagpakita na napapalibutan ng makapal na usok ang mga pasahero.

Sa ulat, sinabi ng Japan airport authorities na may isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung paano at anong oras nakipag-ugnayan ang dalawang sasakyang panghimpapawid mula sa Control Tower.

Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na napakahalaga sa lahat ng mga pasahero na makinig at bigyang pansin ang mga cabin crew ng airline na nagbibigay ng mga tip kung paano magsuot ng mga gadget na pangkaligtasan at sundin ang mga tagubilin habang sakay ng eroplano para sa safety protections. (JOJO SADIWA)