Advertisers
SINO kayang multi-milyonaryo ang nagpiyansa ng tig-P3 milyon sa anim na suspek sa missing sabungeros?
Ang mga suspek na sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano, Jr. ay pinayagan ng Manila Regional Trial Court Branch 40 na makapagpiyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kanilang mga kaso, 6 counts kidnapping at serious illegal detention charges.
Ang mga kinakaharap na kaso ng anim, na pawang ordinaryong manggagawa lamang, ay napapabilang sa heinous crimes, dapat ‘no bail’. Pero ayon sa korte, nabigo ang prosecution makapagsumite ng mga ebidensiya na magdidiin sa mga suspek kaya pinayagan makapagpiyansa ang mga ito.
Ang tanong: Sino ang nagpiyansa sa anim? Sa tig-P3 million sa bawat isa, suma-total ay P18 milyon ang inilabas ng nagpiyansa sa kanila. Mga multi-milyonaryong tao lamang ang kaya makapagbigay ng ganito kalaking halaga! Mismo!
Ang mga suspek na ito ay security guards sa Manila Arena, sabungan na pag-aari ni Atong Ang, ang presidente ng binuwag na Pitmaster online sabong noong panahon ni ex-President Rody Duterte. Sila ang nakuhanan ng video na bitbit ang anim na sabungeros, John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco at Rowel Gomez, na ipinasok sa isang gray van 7:30 ng gabi ng Enero 22, 2022. Kalaunan ang van ay natagpuang inabandona sa Barangay Sampaloc sa Tanay.
Ang anim ay naaresto ng PNP-CIDG 2nd week ng Setyembre 2023 sa kanilang magkahiwalay na safehouses sa Paranaque City.
Pero pagkatapos ng ilang pagdinig sa kaso, nakita ng Judge na “mahina” ang ebidensiya laban sa mga suspek, dahilan para payagan itong makapagpiyansa.
Again: Sino ang nagpiyansa sa anim na dating sekyu ng Manila Arena? Imposibleng makalikom ng ganun kalaking halaga ang mga suspek. Pati nga ang kumuha at nagbayad sa kanilang mga dekalibreng abogado ay nanatiling confidential. Nangangahulugan lamang ito na makapangyarihan ang nasa likod ng pagkawala ng 34 sabungeros noong kasagsagan ng Pitmaster online sabong.
Maging si Justice Secretary “Boying” Remulla ay hindi makapaniwala na payagan ng korte makapagpiyansa ang anim na suspek dahil aniya sa “gravity of the crime” na inahalintulad niya sa mass murder dahil 34 sabungeros ang missing. Since 2022 pa nawawala ang mga naturang sabungero, malabong sabihin na ang mga ito’y buhay pa. Mismo!
Say ni Sec. Boying, magpa-file sila ng ‘petition for certiorari’ sa “grave abuse of discretion” ng Judge ng Manila RTC Branch 40.
Pero ang mas magandang imbestigahan dito ng Department of Justice ay kung sino ang nagluwal ng P18 million para sa piyansa ng anim na suspects.
Just do it, Sec. Boying!!!
Oo nga pala, Sec. Boying!, talamak parin ang online sabong.