Sen. Pimentel maghahain ng petisyon sa SC para kwestyunin ang constitutionality ng 2024 nat’l budget
Advertisers
KUKUWESTIYUNIN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III at miyembro ng House of Representatives sa Korte Suprema ang konstitusyunalidad ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Pimentel, nakikipag-usap na siya sa miyembro ng Kamara at pumayag naman ito sa posisyon ng Senador.
Katunayan aniya ay malapit nang matapos ng Minority leader ang kanilang outline ng dahilan kung bakit ang karagdagang P450 bilyon na ginawa lang ng kongreso na lebel ng unprogrammed appropriation na panukala ng presidente ay unconstitutional.
Hindi naman tinukoy ng senador kung sino ang miyembro ng Kamara na sasama sa kanya sa paghahain ng petition sa kabila nito nilinaw naman niya na hindi ito si Albay Rep. Edcel Lagman.
Idinagdag pa ng Senador na sana ay ihahain nila ang petition sa Supreme Court (SC) ngayong linggo subalit depende pa rin ito sa kahandaan ng kanilang mga abogado.
Magugunitang sinabi ng Senador noong Disyembre na ang 2024 GAA bill ay “unconstitutional” matapos na taasan sa bicameral conference committee ang unprogrammed appropriations ng P450 bilyon kaya lumampas sa P5.768 trilyon ang orihinal na panukala ng Executive Department sa 2024 budget.
Nanindigan naman si Senador Sonny Angara, co-chairman ng bicameral conference committee na ang pinal na bersyon ng 2024 national budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay naayon sa 1987 constitution. (Mylene Alfonso)