Advertisers
Congratulations sa BOC-NAIA District Office na pinamumunuan ni Collector Atty. Yasmin Mapa, dahil isa ang BOC-NAIA sa may malalaking kontribusyon para maabot ng Bureau of Customs ang revenue collection target nito para sa taong 2023.
Sa katunayan, naniniwala umano ang pamunuan ng BOC na kakayanin nitong maabot ang P1-trillion revenue collection target para sa taong 2024.
Sinabi ni BOC spokesperson Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla na nalagpasan ng BOC ang P901-billion collection target nito sa taong 2023.
Hindi pa yan. Nakapagtala pa ang BOC ng collection surplus na mahigit P10- billion mula sa itinakda nitong revenue collection target.
Ani Maronilla, naniniwala ang BOC na “if we continue on our track to improve further ‘yung revenue efficiency namin at pag-improve ng aming processes, mas maeengganyo na mag-negosyo ‘yung mga negosyante at dumadagdag din ang mga investors natin na who are contributing dun sa rating imports and duties, by that, we are projecting to collect PHP1 trillion and I think, we can even surpass it.”
Dagdag pa nito: “Na-achieve po namin ito by – iyong ginawa po naming streamlining ng mga process namin and of course, ini-improve po namin iyong revenue efficiency namin, we tried to locate iyong mga loopholes namin and we tried to plug it, through some scientific methods na amin pong pinagtulung-tulungan, together with some private sector representatives like the Ateneo School of Government and iyong mga stakeholders po naming.”
Bukod sa BOC-Manila na gaya ng inaasahan ay siyang may pinakamalaking naging komtribusyon sa revenue collection ng ahensiya, binigyang kredito ng pamunuan ang naging malaking tulong din ng ilang major ports para malagpasan pa ang target collection nitong nakaraang taon.
Malaking bulto ng koleksyon ng BOC ay mula sa Manila International Container Port na sinundan ng Batangas Port, Port of Manila.
Ang iba pang major ports na nakapag-ambag sa mataas na koleksiyon ng BOC ay ang BOC-Ninoy Aquino International Aiport sa ilalim ni Atty. Yasmin at arrival head Mark John Almase gayundin ang Ports of Cebu, Davao at Cagayan de Oro, Subic, Clark, Legazpi, Tacloban, Iloilo at San Fernando.
Bukod sa mataas na revenue collection ay matindi rin ang trabahong ginagawa ng BOC laban sa iligal na droga.
Nitong kamakailan lamang ay nakasabat ang BOC, sa pakikipagtulungan sa PDEA, ng mahigit na P103-milyong halaga ng iligal na droga.
Nakumpiska ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Bureau of Customs – Port of Clark ang tatlong parcel na mula sa Estados Unidos at naglalaman ng 15 kilo ng shabu, na may kabuuang halagang P103,113,600.
Nakategorya bilang “suspicious” o kahina-hinala ang nasabing tatlong parcel na una nang idineklara bilang “brochures” mula sa Texas, Pennsylvania, at Illinois, USA at dumating sa bansa bago mag-Pasko. Gayunman, nagkaroon ng reaksyon ang K9 sniffing dog kaya’t binuksan ang kargamento at dun na nga natuklasan ang drogang laman nito.
Nakalagay ang shabu sa mga plastik na supot.
Dahil diyan ay kaagad na naglabas ang BOC ng mga Warrant of Seizure and Detention laban sa mga nasabing shipment dahil sa paglabag sa R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng R.A. No. 9165.
Mabuti at naagapan ang pagbaha ng P103-milyong halaga ng droga sa ating bansa.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.