Advertisers
Nasawi ang dalawang miyembro ng Philippine Army nang tambangan ng mga hindi nakilalang salarin sa bayan ng Munai, Lanao del Norte.
Sa ulat, magkakaangkas sa motorsiklo at nagsasagawa ng intelligence operations ang tatlong miyembro ng 51st Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Lininding, nang walang habas ang mga itong ratratin ng hindi nakilalang mga salarin 3:00 ng hapon.
Tinamaan ng bala ang dalawa sa mga sundalo na agarang ikinasawi ng mga ito.
Pinalad namang nakaligtas ang isang sundalo nang agaran itong tumalon kung saan nagawa pa nitong makaganti ng putok.
Matapos ang pananambang agad din tumakas ang mga salarin.
Sa ngayon, puspusan ang isinasagawang hot pursuit operation ng tropa ng pamahalaan laban sa mga tumakas na suspek kung saan inaalam din kung may tinamaan sa panig ng mga suspek.