Advertisers
MALA-KABUTE na nagsulputan ang operasyon ng sindikato sa Batangas City lalo na ang mga itinuturing na “economic saboteurs” at mapanganib na pagpapaihi, patulo, paawas ng petroleum product at pasingaw ng Liquified Petroleum Gas (LPG) na kung tagurian sa criminal lingo ay “buriki” at iba pang gawaing labag sa batas. Sangkot sa ilegal na gawaing ito ay mga dayuhan at tahirang kapitalista na kakutsaba ng ilang korap at iskalawag na miyembro ng kapulisan.
Ayaw na ayaw nina Batangas 5th District Congressman Marvey Marino at Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha ang mga iligal na aktibidades sa naturang lungsod, kayat kung may mga opisyales at kagawad ni City Police Chief LtCol. Dianne Del Rosario na kasabwat sa mga sindikatong ito ay “mahiya naman kayo.”
Kapag nakarating sa kaalaman ng butihing Congressman at Mayora na naniningkalag na nga ang sindikatong buriki na kumpirmadong may ilan na ding kuta sa hurisdiksyon ng lungsod na itinuring pa namang may pinaka-malinis na kapaligiran at disiplinadong mga mamamayan, di lamang sa buong rehiyon kundi maging sa bansa ay tiyak na hindi lamang si Del Rosario ang mananagot kundi maging sina Batangas PNP Provincial Director Col. Samson B. Belmonte at kanyang mga staff officer.
Hindi din makakaiwas sa iskandalo at kahihiyan sina Batangas Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Officer LtCol. Victor Sobrepena at ang mga barangay leader na posibleng may kinalaman sa mga kabalbalang nagaganap sa kanilang mga nasasakupan.
Paano maipaliliwanag, na sa tinagal-tagal na pala ng operasyon ng burikian ng isang alyas Buloy sa Port Diversion Road, Brgy. Sta Clara malapit lamang sa main gate ng Batangas City Pier ay nakaligtas ito sa mapanuring mata ng mga port authorities tulad ng PPA, Customs Police at Philippine Coast Guard?
May nakataliba ding miyembro ng PNP Maritime Command (MARICOM) sa lugar, ngunit nagmumukhang inutil pala ang mga ito sa matagal nang panahong pagpapaihi ng mga petroleum product nina Buloy habang binabantayan ng ilang pulis ng Batangas City sa loteng pag-aari ng isang Chinese Mestizo na alyas “Tan”?
Isa si Tan sa itinuturong padrino at kapitalista nina alyas Buloy bukod sa “pamato” na aktibong PNP colonel na “sumalo” dito (Buloy) nang ito ay ma-raid ng pulisya at mahulihan dahil sa pag-iingat ng dalawang di lisensyadong kalibre .45 na pistola may dalawang taon na ang nakararaan.
Nasa tabi lamang ng 7/11 Sta Clara Branch ang naturang burikian na “abot sa pukol ng bato” mula sa headquarter ng Fifth Coast Guard District na ilang metro lamang ang layo sa mahigpit na natatanurang main gate ng Batangas City Port.
Ang Barangay Sta. Clara na kinaroroonan ng may ilang taon na din palang operasyon ng burikian nina Buloy at ng partner nitong mga pulis ay hindi lamang nasa hurisdiksyon ng port official at pulisya ng Batangas City kundi maging ni Brgy. Chairman Derrick Arago na ang ilang barangay tanod ay hinihinalang may kinalaman din sa naturang ilegal na aktibidad. Baka naman may bendisyon si Chairman sa “patong” nitong mga tanod?
Liban sa pagpapaihi ng petroleum product tulad ng krudo, gasolina at gaas, ang mga tanker at cargo truck driver ay sinisingil pa nina Buloy ng halagang Php 1,000 kada araw na parking fee sa pagparada sa Port Diversion Road, pagkatapos na magsalin ng ninanakaw na produkto sa tanker na pag-aari ng sindikato.
Araw-araw ay hindi kukulangin sa 50 tankers at cargo truck ang pinagnanakawan ng grupo nina Buloy ng produktong petrolyo at nagbabayad pa ng illegal parking tong. Sikip ang pangalan ni Buloy sa larangan ng iligal, mapa-buriki, illegal terminal at iba pang gawaing tulisan.
Matapos na sipsipin ang mga kargamentong petroleum product mula sa mga tanker truck ay binabantuan ang nabawasang petrolyo ng naturang mga tanker ng Methanol na isang uri ng likidong kemikal para magmukhang walang nabawas na kargamento ang mga naturang truck.
Kaya maraming mga vehicle owner at shipping line operators ay palyado ang mga makina ng mga sasakyan pagkat nakapagpakarga ng gasolina o krudong hinaluan ng Methanol na ibinebenta nina Buloy sa kanilang mga suking gasoline station operator sa buong rehiyon hanggang sa ibat ibang panig ng Kabisayaan.
Milyon-milyong halaga ng salapi ang nadidikwat kada linggo ng nasabing sindikatong nasa “ibabaw lamang ng tungki ng ilong” ng kapulisan at mga port official sa Batangas City. Ilan pa ang grupo ng sindikatong ito ang ating tatalakayin.
Col. Belmonte, LtCol. Del Rosario, Chairman Arago at Batangas City Port official, huwag na ninyong hintaying makialam pa sa usaping ito sina PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at mga cabinet secretaries? Mahiya naman kayo kina Congressman Marino at Mayor Dimacuha, ayaw na ayaw nila sa sindikato. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144