Advertisers
Naaresto ang isang kostumer ng ‘online seller’ nang makailang-ulit magbayad gamit ang pekeng transaksiyon sa Gcash nitong Sabado.
Kinilala ni PCol Salvador S Destura Jr. ang arestadong suspek na si Cabugnao, 27, residente ng Barangay Rincon, Valenzuela City.
Ayon sa ulat, Enero 3 at 4, umorder si Cabugnao ng dalawang cellphone (Realme 11 at Infinix Zero30 na nagkakahalaga ng P14,200 bawa’t isa) sa isang tindahan sa ‘online’.
Matapos umorder, kaagad itong nagpadala ng ‘screen shot’ ng ‘Gcash payment’ sa katransaksiyon kaya’t mabilis na ipina-deliber sa ‘rider’ ng tindahan sa address na ibinigay ni Cabugnao, sa Barangay Marulas, Valenzuela City.
Enero 5 nang matuklasan ng biktimang katransaksiyon ng suspek na walang pumasok na bayad sa kanilang ‘Gcash account’ mula kay Cabugnao.
Matapos beripikahin ng biktima ang ipinadala sa kanyang ‘screen shot’ ng ‘Gcash payment’, natuklasan nito na palsipikado ito.
Kinabukasan, Enero 6 nagtungo sa Valenzuela City Police Station (VCPS) ang biktima at ang ‘rider’ na nagdeliber ng mga cellphone at ipinakita nila sa pulisya ang mga larawan ng suspek na kuha ng ‘rider’ nang tanggapin ang mga inorder na cellphone.
Kaagad nagkasa ng operasyon ang Detective Management Unit (DMU).
“Nagpunta po kami sa [tanggapan] iba’t ibang barangay [Valenzuela City] at ipinagtanong namin kung kilala nila ‘yung suspek habang pinapakita po namin yung mga picture [suspek],” pahayag ni PLt Ronald Bautista, hepe ng DMU.
Nang marating ng kapulisan ang Barangay Dalandanan, ikaapat sa kanilang mga napuntahan, positibong kinilala si Cabugnao at napag-alamang may dati na din itong parehong kaso sa lugar.
Sa ‘record’ ng tanggapan ng Barangay Dalandanan, nakatira si Cabugnao sa Barangay Rincon kaya’t kaagad itong tinungo ng pulisya.
Napag-alamang muli na may parehong kaso din si Cabugnao sa nasabing barangay kaya’t mabilis itong naaresto nang maituro ang kanyang tirahan.
Narekober mula sa suspek ang Infinix Zero30 cellphone.
Ayon kay PLt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), sumailalim na si Cabugnao sa ‘inquest proceeding’at nahaharap sa kasong Estafa.(Beth Samson)