Advertisers
Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang inagurasyon at pagbabasbas ng bagong fire truck at fire fighting equipment na binili ng Barangay 132 noong Miyerkules, Enero 10, kasama ang Brgy. Chairman Reynante Mariano at District 1 Representative Cong. Oca Malapitan.
Pinuri ni Mayor Along ang mga lokal na opisyal ng Brgy. 132 para sa pagbibigay prayoridad sa kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan sa panahon ng mga emergency na sitwasyon at idineklara ang kanyang layunin na magkaroon ng mga modernong kagamitan sa paglaban sa sunog sa bawat barangay.
“Alam niyo naman po na matagal ko nang isinusulong ang mga magandang paraan upang tugunan ang pangangailangan ng mga Batang Kankaloo sa panahon ng sakuna kaya natutuwa po ako na ito rin ang proyektong inuuna ng mga opisyal ng Barangay 132,” wika ni Mayor Along.
“Mismong ang pamahalaang lungsod ay tuloy-tuloy din sa pagkilos upang dagdagan ang mga emergency vehicles at response teams ng ating lungsod dahil lumalaki rin ang ating populasyon. Hangad po natin na katulad ng Barangay 132, bawat barangay sa Caloocan ay may fire truck at iba pang kagamitan laban sa mga sakuna para mabilis ang pagresponde,” dagdag ni Malapitan.
Inihayag din ng lokal na punong ehekutibo ang mga plano para sa pamahalaang lungsod na makipag-ugnayan sa lokal na Bureau of Fire Protection (BFP) at Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang sanayin ang mga boluntaryo at iba pang tauhan upang mapakinabangan ang bagong fire truck at kagamitan ng barangay.
“Bilang tulong din po ng pamahalaang lungsod, kakausapin din po natin ang BFP at CDRRMO upang magkaroon ng pagsasanay sa tamang paggamit ng inyong mga bagong kagamitan. Balewala po ang magagandang gamit kung hindi sapat ang kaalaman ng mga gamit nito,” wika pa ni Mayor Along.(BR)