Advertisers
PINALAYA si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Setyembre 4.
Kasunod ito ng kautusan ng Sandiganbayan Fifth Division na pagpapalaya sa dating kalihim.
Itinurn-over ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Bonoan sa kanyang pamilya matapos ang pananatili niya sa PNP General Hospital sa Camp Crame.
Bandang 10:35 ng umaga nang lumabas si Bonoan sa ospital.
Matatandaang dahil sa ilang karamdaman, isinailalim si Bonoan sa hospital arrest sa PNPGH matapos siyang sumuko noong Hunyo. Gayunman, iniutos ng korte ang pagpapalaya sa kanya matapos paboran ng Fifth Division ang mosyon ng mga state prosecutor na alisin siya sa mga kasong graft at plunder na kinakaharap niya kasama si Senador Jinggoy Estrada at tatlong dating DPWH district engineers.
Ang hakbang ay bahagi ng plano ng mga awtoridad na gawing state witness si Bonoan kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga anomalya sa mga flood control projects.
Sa resolusyon, ipinag-utos ng anti-graft court kay Brigadier General Portia Manalad ng Philippine National Police Health Service General Hospital na palayain si Bonoan mula sa kustodiya maliban kung may iba pang legal na dahilan upang patuloy siyang ikulong.
Nauna nang pinayagan ng Fifth Division ang mosyon ng prosekusyon na amyendahan ang mga information at alisin si Bonoan bilang co-accused sa mga kasong kinakaharap ni Sen. Estrada at iba pa.
Humiling ang Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado upang magamit ang kanyang testimonya bilang testigo sa iba pang mga kasong may kaugnayan sa kontrobersiya sa flood control projects.
Nauna nang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mahalaga ang nalalaman ni Bonoan sa sistema sa likod ng mga maanomalyang proyekto.
Gayunman, may hiwalay pang graft case na kinakaharap si Bonoan sa Sandiganbayan Second Division.
Nauna nang ibinasura ng naturang dibisyon ang hiwalay na kahilingan ng prosekusyon na alisin din siya bilang co-accused sa kasong iyon. Nakapagpiyansa na si Bonoan ng P90,000 para sa naturang kaso.
Dahil dito, kailangang tiyakin muna ng mga awtoridad kung wala nang iba pang legal na hadlang sa kanyang paglaya bago tuluyang makalabas sa kustodiya ang dating kalihim. (Boy Celario)