Advertisers
Ni GERRY OCAMPO
AMINADO si Sunshine Dizon na ibang-iba ang love team noong panahon niya sa panahon ng bagong henerasyon.
Tulad ng mga young pair na kasama niya sa Pira-Pirasong Paraiso gaya ng KDLex (KD Estrada at Alexa Ilacad) at LoiNie (Loisa Andalio and Ronnie Alonte), dumaan din kasi si Sunshine sa love team culture noong kasing–edad din niya ang mga ito. Ang ka-love team niya that time ay si Polo Ravales sa TGIS and Ana Karenina.
Natanong si Sunshine ng entertainment press kung ano sa tingin niya ang pagkakaiba ng loveteam noon at ngayon.
“Ang na-notice ko ngayon, parang mas mature sila kaysa sa amin. Parang mas batang-isip kami, `Yun ang totoo, ha? To be honest,” simula ni Shine.
Nakikita raw niya ang LoiNie na sobrang nakatutok sa kanilang mga eksena at pinag-uusapan kung paano ang gagawin. Ang KDLex naman daw, nang magkasakit si Alexa at nagkaroon ng migraine, nakita raw niya kung paano alagaan ito ni KD.
“Kami, parang `pag hindi mo gustong kausapin, hindi mo na papansinin. Batang isip, “ natatawang kuwento ni Shine.
Sigurado raw siya na malayo ang mararating ng mga young team na ito sa showbiz industry.
“But it`s really up to them. Kasi ngayon, nakita ko, from day 1 hanggang nu`ng last day ko, ang laki talaga nu`ng iniba nu`ng confidence, iba rin yung bonding nila and you know, there`s always this thing na you see in an actor na alam mong tatagal, eh.
“There`s this gusto. I don`t know how to explain that. Parang magic `yan, eh, na hindi mo ma-explain pero makikita mo, `Ah, ito, tatagal `to. Ah ito, parang hindi masyado. Parang may ganu`n kang napi-feel.
“Ako, I hope and pray na sana, kung anuman ang lumabas sa bibig ko ngayon, eh, magkatotoo because I really see a bright future for all of them because I feel that they really love and enjoy what they`re doing,” pahayag ni Shine.
Bukod dito, hindi raw niya nakikitang nagrereklamo ang co-stars niyang bagets kahit pagod na pagod na.
Kaya saludo raw siya sa mga batang ito at kanyang wish ay hindi ito ang maging una at huli nilang pagsasama.
Samantala, kamakailan ay nakausap din ng ilang entertainment press ang mother dear ni Sunshine na si Mommy Dorothy Laforteza na hindi tumatanda at fresh pa rin nang aming makaharap.
Mula noon at hanggang ngayon ay nakatutok at nakasuporta pa rin si Mommy Dorothy kay Sunshine.
Hindi niya ito iniwanan at pinabayaan lalo na nang masangkot sa kontrobersya ang kanyang anak.
Alam daw ni Mommy kung sino at kung bakit napasama sa isang negosyo ang kanyang anak na walang alam sa pinasok na business.
Sobrang bait at madaling magtiwala raw kasi si Sunshine kaya madaling maloko.