Advertisers
Inamin na ng kapatid na babae ng pinaslang na mag-inang balikbayan na magkasabwat sila ng kanyang asawa at dalawang iba pa sa nasabing krimen matapos matuklasan ang bangkay ng mga ito na nakalibing sa bakanteng lote sa Tayabas, Quezon noong Marso 14.
Ayon kay Lt. Gen Rhoderick Armamento, hepe ng Area Police Command – Southern Luzon (APC-SL), inamin ito ni Ligaya Oliva Pajulas sa kanyang panganay na anak na lalaki habang nakaratay ito sa isang ospital sa Quezon.
Ito’y matapos naman niyang tangkaing magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng insecticide nang matuklasan ng mga awtoridad ang bangkay ng kanyang kapatid na si Lorry Litada at Haponesang anak nito na si Mai Motegi, 26-anyos, sa bakanteng lote malapit sa kanilang bahay sa Bella Vista Subd., Brgy. Isabang, Tayabas City.
Naka-confine uli sa ospital si Pajulas makaraan itong dumating mula sa Pio Duran, Albay kung saan ito kusang loob na sumuko sa pulisya noong Biyernes.
Sa bahay ng salarin at asawang si Charlie Pajulas pansamantalang tumuloy ang mag-ina nang dumating ang mga ito galing sa Japan noong February 20. Nawala ang mga ito noong February 21 gayundin ang P5 milyon na pambayad umano ng mga ito sa kinuhang bahay at lupa.
Sinabi ng ginang na may pupuntahan at inihatid pa nila ang mag-ina sa terminal ng bus noong araw na mawala ang mga ito.
Gayunman, nakita sa mga kuha ng CCTV camera ang mag-asawang Pajulas kasama ang dalawa pang lalaki na sakay ng traysikel patungo sa direksyon ng boundary ng Tayabas at bayan ng Sariaya kung saan nakita ang mga maleta ng mag-ina at iba pang mga ebidensya sa galing sa crime scene na itinapon sa ilalim ng tulay sa Calumpang river.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na Disyembre pa lang pinlano na umano ng apat ang gagawing krimen sa pagdating ng mag-ina sa bansa.
Ayon pa kay Armamento, pera at pinaghalong galit at inggit ang motibo sa krimen. Nakatakdang sampahan ng kasong double murder ang mga salarin.