Advertisers
Nasawi ang 68-anyos na retiradong school principal nang saksakin sa dibdib gamit ang screw driver ng isang lasing na lalaki na pumasok sa kuwarto ng bahay nito sa Arnoldus Village sa Barangay Labangan Poblacion, San Jose, Occidental Mindoro noong Biyernes ng madaling araw.
Nakahingi pa ng tulong sa kaniyang mga kasama sa bahay ang biktimang si Glorieta Mendoza pero idineklara na itong dead on arrival sa ospital.
Ay ang salarin kinilalang si alyas “Jhay-Jhay”, 24-anyos.
Sa imbestigasyon, ala-una ng madaling araw, habang natutulog ang biktima sa kaniyang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay nang biglang pumasok ang lasing na salarin.
Umakyat umano sa bakod si Jhay-Jhay at nang makarating sa may beranda ng bahay sinira nito ang pintuan ng kuwarto ng biktima na noon naalimpungatan.
Nanlaban pa umano ang biktima pero nagawa itong masaksak sa dibdib.
Naaresto ng mga rumespondeng tanod si Jhay-Jhay.
Ayon kay PCol. Jun Dexter Danao, provincial director ng Occidental Mindoro police, ilang oras bago nangyari ang krimen, pinaghahanap na ng mga barangay tanod si Jhay-Jhay na nakatakas umano ito sa kanila.
Inaresto umano ng mga barangay tanod ang si Jhay-Jhay nang ireklamo ng isang concerned citizen dahil sa pagwawala sa kalsada.
Pero nang isakay umano sa barangay patrol nakatakas ito.
Kasunod nito, tinangka pa umanong pasukin ng salarin ang mga bahay sa Arnoldus Village bago nakarating sa bahay ng biktima.
“Hinuli nga ‘yan ng tanod, kasi sa kalsada parang nag-iinda na ng saksak, nanghaharang na ‘yan eh.
Hindi naman nila kinapkapan. ‘Yun pala may dalang panaksak na screwdriver so nakatakas. Hinabol, nagtago sa dilim, napunta siya sa Arnuldos Village. Tinangka niyang pumasok ng ibang bahay hanggang sa marating itong bahay ng biktima,” sabi ni Col. Danao.
Hustisya ang sigaw ng pamilya ng biktima.
“Dapat pagbayaran niya ang ginawa nya, walang kalaban-laban pinatay niya. Dapat makulong sia ng habambuhay,” sabi ni Norberto Mendoza, kapatid ng biktima.
Nakakulong na ang salarin sa San Jose Municipal Police Station.