Advertisers
INAMIN ng aktres na si Maricel Soriano na nagmay-ari siya ng condominium unit sa Makati City na nauugnay sa umano’y aktibidad ng iligal na droga mahigit isang dekada na ang nakararaan.
Nasama ang pangalan ni Soriano sa umano’y nag-leak na mga dokumento ng operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nag-uugnay sa ilang personalidad sa paggamit ng ilegal na droga.
Kinumpirma ng aktres, nagmamay-ari siya ng condo unit sa Rizal Tower Building sa Makati City. Ito ay ang unit 46-C na naging subject ng operasyon ng PDEA noong March 2012.
Ngunit ayon sa actress, ibinenta na niya ang naturang condo unit noong 2012, hindi lamang niya matandaang kung anong buwan ito nabenta.
“May property ka ba sa Rockwell? Ikaw ba ang nagmamay-ari ng unit 46-C Rizal Tower located at Rockwell Bgy. Poblacion, Makati City?” tanong ni Senate Public Order and Dangerous drugs chairman Senador Ronald Dela Rosa, na noong taon ding iyon ang umano’y nag-leak na pre-operation report at authority to operate na inilabas umano ng PDEA.
“Opo. Hanggang 2012 po, nabenta ko na ho ‘yun. Wala na ako dun,” tugon ni Soriano.
Hiniling ni Dela Rosa kay Soriano ang ‘deed of sale’. Sinabi ng aktres susubukan niyang hanapin.
Binanggit din ni dela Rosa ang reklamo noong 2011 laban sa aktres ng kanyang dalawang dating kasambahay.
Base sa ulat, sinabi ng senador na umalis ang mga nagrereklamo sa condo unit ng aktres dahil sa pambubugbog at sa paggamit umano nito ng cocaine.
“Hindi po totoo ‘yan,” sagot ni Soriano. “Paano ko naman po bubugbugin dalawa po sila?”
Gayunpaman, kinumpirma ng aktres na kaya umalis ang dalawang katulong ay dahil ninakawan umano siya ng mga ito. (Mylene Alfonso)