Advertisers

Advertisers

Aksyon ni Gen. Marbil vs vices, buriki at illegal terminal na protektado ng ilang opisyal sa CALABARZON

0 1,220

Advertisers

NI: CRIS A. IBON

DAHIL protektado ng mga tong kolektor o “kapustahan”, hindi naglulubay ang operasyon ng “buriki”, illegal terminal, maging ang siniyasat ng kongreso na Small Town Lottery bookies at ang pergalan (perya na pulos sugalan) sa CALABARZON na ang pinaka-sentro ay ang lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon.

Pinaka-garapal ang buriki at illegal terminal ng colorum van ng isang “Buloy” sa loob mismo ng Batangas Port Zone, Barangay Sta Clara, kungsaan ay nakatalaga ang lahat na port officials ng pamahalaan ngunit mukhang inutil lang ang mga ito sa PNP Port Police at Bureau of Customs (BOC).



Isinisi ng Anti vice crusader group ang kawalan ng aksyon ni PPA Police at BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio, pagkat mismong ang PPA parking area ang ginagamit na terminal ng higit sa 500 unit colorum vans na pinapatakbo ni Buloy malapit sa lote ng Chinese mestizo na si Tan, na gamit din na burikian ng petroleum products, liquefied petroleum gas (LPG), at ang pinaka-delikadong A1 Jet Fuel na anumang sandali ay maaring sumabog at kumitil ng maraming buhay.

May 5,000 ang nabiyaheng colorum van sa CALABARZON na nakokotongan ng P800 o “butaw” kada byahe. Ito ay umaabot sa P8 milyon araw-araw.



Wala namang aksyon laban dito ang Land Transportation Region 4A Office at Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) na kapwa may opisina sa Lipa City, Batangas.

Panawagan ng mga anti vice crusaders kay PNP Chief, General Rommel Francisco Marbil, palitan nito si Batangas PNP Provincial Director, Colonel Samson Belmonte, at ipagharap ng kasong kriminal at administratibo kasama ang kanyang police chief na si LtCol. Jephte F. Banderado kung ‘di nila masusupil sina Buloy at ang kasosyo nitong mga pulis, Baldo, Dennis at isang barangay captain sa hurisdiksyon ng Batangas PNP Provincial Police Office.



Isang kalatas ang ipadadala ng grupo ng CALABARZON anti-vice crusader kina Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha at 5th District Rep. Marvey Marino upang idetalye sa mga ito ang mapanganib na operasyon nina Buloy, Baldo, Dennis at isang barangay, sakop ni Chairman Rodel Banaag.

Hihimukin din ng grupo si Dimacuha na kasuhan ang barangay chairman sa Department of Interior Local Government (DILG) sa pag-o-operate nito ng burikian sa Brgy. Sampaga, Batangas City.

Ayon pa sa mga anti-vice crusader, may 20 mala-emperyong burikian sa rehiyon, kabilang din dito ay ino-operate ng magkalaguyong vice mayor kasosyo ng alyas “Lucky” at “Lakatan” sa boundary ng Taal-Lemery, malapit sa Buli Elem. School at Jollibee, bayan ni Taal Mayor Fulgencio “Pong” Mercado, at hurisdiksyon ni Taal Police chief Capt. Rommel Magno.

Lahat ng mga ito ay “pinapatungan” ng ‘Magsino tong collection group’ na kinabibilangan din ni alyas Sgt. Adlawan, Gaston, alyas Capt LOYD aka DAVE, alyas Sgt. Panganiban, Arguelles alyas Chard Miravillas, Richard, Jamie at Jeff sa CALABARZON.

Bukod kina Buloy, ang iba pang burikian ay kina Ed at Rico sa Brgy. Bulihan, Malvar, Batangas; alyas Roy na may mga pwesto sa Brgy. Saimsim, tapat ng Yakult Philippines sa Calamba City; sa Brgy. San Isidro at Brgy. Malabanban Sur sa bayan ng Candelaria; at Brgy. Lumingon sa munisipalidad ng Tiaong na pawang nasa hurisdiksyon ni Quezon PNP Provincial Director, Col. Ledon Monte. Kasosyo at protektor ni Roy ang isang PNP Provincial Director.

May burikian pa ang isang alyas Bong sa likod ng Roadside Inn, Brgy. Isabang; Troy sa Brgy. Salinas, parehong sa Lucena City; at Sammy at Alfred sa Brgy. San Luis sa bayan ng Guinyangan.

Kahit ayaw ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan ay tila bulag naman ito sa dami ng nag-ooperate na burikian at iba pang ilegal sa kanilang probinsya.

May tatlo ring burikian sa Laguna: dalawa sa Brgy. Paciano, Calamba City; at isa sa Silangan Exit sa Cabuyao City.

Nang simulan ang congressional inquiry kamakailan dahil sa laganap na operasyon ng STL bookies, ibinunyag doon na ang Laguna at Batangas ang may pinakatalamak na operasyon, ngunit hindi naging dahilan upang matigil ang salot na pasugal sa Lipa City, Tanauan City, mga bayan ng Lemery, San, Luis, Malvar, Taal, Nasugbu, Sta. Teresita, Mabini, Ibaan at iba pang lugar dahil sa “weekly payola” na kinokolekta sa kanila ng Magsino Group.

Ang “Big 4” na kinabibilangan nina Ana Tomboy, Gary, alyas Kap Ronald, alyas Kap Randy, Icaro G., Macoy Recto at Topher Taba ang kumokontrol ‘di lamang ng operasyon ng bookies kundi maging ng bentahan ng shabu sa maraming lugar sa Lipa City ngunit nagyayabang ang mga ito na alyado ni Mayor Eric Africa kaya walang aksyon at nganga lang dito si Lipa City Police Chief Lt Col. Rix Villareal.

Bagamat poor performance ay nakakapangunyapit sa kanyang pwesto si Villareal kahit na talamak ang operasyon ng 30 pang bookies operator sa Lipa City maliban sa “Big 4”. May 20 saklaan naman doon si Ornok. Bukambibig ni Villareal ang kanyang “pamato” na si Executive Secretary Lucas Bersamin?

Sa Tanauan City ay may 35 bookies con drug operator, pinaka-matindi dito ay ang operasyon ng tong kolektor at drug pusher na si alyas Ocampo na bukod sa may rebisahan sa Brgy. Bagbag, Tanauan City sa hurisdiksyon ni Police Chief LtCol. Apolinar Lunar Jr. ay may bookies din sa 13 barangay ng Balete ni Mayor Wilson Maralit.

Panawagan ng mga Anti vice crusader na sibakin na sa pwesto sina LtCol. Lunar Jr. at Balete Police Chief.

May 30 STL bookies din sa Laguna: 40 ang bookies at sakla operators sa Rizal at Cavite, palasak dito ay ino-operate nina Hero, Elwyn, Sgt. Lago, Maricon, Jun Toto, Nita Kabayo at iba pa gamit na front sa bentahan ng shabu na ayon sa mga Anti vice crusader ay dapat maipalansag na ni PDGen. Marbil.