Advertisers
KAUGNAY ng akusasyon na pangongotong diumano sa ilang bus operator ng opisina nang noon ay nanunungkulang Land Transportation Office Regional Director Cupido Gerry Asuncion ay nanawagan din ang grupo ng mga passenger van driver na aksyunan ang garapalang pangingikil sa kanila ng abot-langit na payola ng mga “kapustahan” (intelhencia/ tong collector) na sina alyas Randy Playboy ng LTO at grupo ng isang Maklang ng kapulisan.
Noong buwan ng Marso ay nagreklamo at inaksyunan ng Office of the President (OP) ang sumbong ng anim na bus operator sa CALABARZON.
Umaasa ang mga apektadong tsuper na may mga ruta sa CALABARZON at Metro Manila na hindi magiging ningas-kugon lamang ang hakbang ng OP Action Center, upang kung di man ganap na malipol ang tiwaling opisyales at tauhan ng gobyerno ay mabawasan ang mga ito.
Ayon sa mga miyembro ng asosasyon ng passenger van driver ay inoobligang maghatag ang kanilang mga operator ng tig Php 1,500 kada buwan ng nagpapakilalang “kapustahan” (tong collector) na si alyas Randy Playboy na residente ng Sto Tomas City.
Kasabwat ni alyas Randy Playboy sa pangongolekta ng protection money sa mga may-ari ng van ang isang alyas Chairman Toto alyas Alakdan at alyas Buloy, isang pulis na alyas Sgt. Luisa aka Laysa at isang alyas Sgt Adlawan.
Si alya Sgt. Adlawan ay isa sa leader ng mga “kapustahan” o police tong collector na iniorganisa ng isang alyas Maklang at Wano sa Camp Crame upang mangasiwa sa tong koleksyon mula sa mga ilegalista sa buong Region 1, 2, 3, 4-A at National Capital Region (NCR).
Sa tinatayang may higit sa 5,000 na passenger van na bumibiyahe sa R4-A at NCR pa lamang, ay nakakaharbat na sina alyas Randy Playboy ng pinaka mababang buwanang halaga na Php 7.5M
Bukod sa Php 7.5M ay may dagdag na obligasyong PHP 800 “butaw” na araw-araw namang kinokolekta ng mga tagapamahala ng van terminal sa mga driver, isa sa mga ito ay si alyas Buloy, enkargado ng illegal van terminal sa Batangas City Pier, Brgy.Sta Clara sa hurisdiksyon ni Police Chief LtCol. Jephte Banderado.
Si alyas Buloy din ang operator ng isa sa pinakamalaking burikian/ paihian ng petroleum product sa CALABARZON at kasosyo ng isang PNP colonel na ang kuta ay nasa may gate lamang ng Batangas City Port, Brgy. Sta Clara.
Sa looban ng dalawang beses na pagparoot-parito sa iba’t ibang panig ng Luzon ay papalo sa Php 8M na “butaw” na tawag ng mga driver sa tong koleksyon araw-araw. Ang kaparte mula sa kotong na Php 7.5M ay buwanang ini-rerermit ni alyas Randy Playboy sa tanggapan ng LTO at Land Transportation Regulatory Board (LTFRB) at ang “butaw” naman ay lingguhang isinusulit nina alyas Chairman Toto, alyas Alakdan ng bayan ng Lemery at alyas Buloy ng Batangas City o kaya ay ng mga van dispatcher ng mga illegal terminal kay alyas Randy Playboy matapos awasin ang kani-kanilang mga kabahagi.
Bukod kay alyas Randy Playboy ay may weekly ding intelhencia na kinokolekta ang isang alyas Sgt Adlawan na nagpapakilalang sugo ng isang alyas Maklang at Wano ng Camp Crame Police Headquarter sa Quezon City.
Kasama sa mga ipinananakot ng dismissed na dating DDS (Duterte Die Hard Supporter) na PNP alyas Sgt Adlawan ay ang pangalan ni PNP Region 4A Director BGen. Paul Kenneth Lucas at ang pinaka matindi pa, ginagasgas din maging ang opisina ng butihing PNP Chief Rommel Francisco Marbil sa larangan ng kotongan?
Ilan lamang sa mga passenger van driver na kinokotongan nina alyas Randy Playboy ng Sto. Tomas City, alyas Sgt. Adlawan, Chairman Toto, alyas Buloy at alyas Alakdan ay ang mga bumibiyahe mula sa Batangas City Pier patungong Metro Manila, Dasmarinas City, Cavite, Santa Rosa City, Balibago Complex, Laguna, SM Lipa City at Nasugbu at iba pang siyudad at bayan sa Cavite, Arce Subdivision, Batangas City via Balayan, Lucena City, Quezon at mga lalawigan ng Laguna at Rizal at vise versa, SM Transport Group mula sa mga illegal terminal sa SM Lipa City via ibat ibang parte ng rehiyon at Metro Manila, Petron Gas Station sa bayan ng Bauan, Batangas via Dasmarinas City; Tagaytay City via Bauan; Xentro Mall, Lemery, Batangas via Tagaytay City- Palapala Dasmarinas City at Nasugbu. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144