Advertisers
NAKAHANDA raw ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na pangalanan ang ibinunyag kamakailan ng kanilang tserman at Chief Executive Officer (CEO) na si Alejandro Tengco na isang dating Cabinet official ang sangkot sa mga illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa interview nitong Lunes ng Teleradyo Serbisyo, sinabi ng ating kaibigang dating journalist na ngayo’y Pagcor Assistant Vice President for External Communications, Jun Alano, na ihahayag ni Tengco ang pagkakilanlan ng dating Cabinet member sa tamang oras at tamang lugar.
“Sabi naman po ni Chairman Al Tengco ay sa tamang lugar po babanggitin niya at ibubulgar niya ang pangalan kaya siguro po baka maghihintay nalang si Chairman ng pormal na imbestigasyon kung halimbawa man ay sa Senado,” sabi ni Alano, dating editor ng iba’t ibang pahayagang national at nakasama kong direktor ng National Press Club maraming taon na ang nakakalipas.
Say ni Alano, maingat nilang binusisi ang bagay na ito at tiningnan maige ang mga rekord para masiguro ang mga impormasyon.
Aniya, lumalabas na hindi lang isang opisyal ang sangkot sa kontrobersiyal na ito: “Mukhang si Chairman mismo yung nakakatanggap ng mga tawag, mga medyo pahiwatig doon sa ilang opisyal. Hindi lang ho ata isa yan e.”
Bago ito, sinabi ni Senate President Francis Escudero na dapat pangalanan ng regulator ang naturang opisyal para malinis ang ibang walang kinalaman sa iskandalo.
“If not, the committee chaired and headed by Sens. [Risa] Hontiveros and [Sherwin] Gatchalian should unmask this official,” banta ni Escudero.
Bago ang lahat nang ito, lumapit sa media ang ilang opisyal ng ni-raid na POGO (Lucky South 99) sa Porac, Pampanga at ipinakita ang mga dokumento na nagbabayad sila ng $200,000 kada buwan at nagbayad ng $2 million para sa lisensiya.
Ibinunyag din ng taga-LS99 na nagbigay sila ng $200 sa isang opisyal ng PAGCOR para mabigyan ng lisensiya.
Dito na lumabas si Tengco, ibinunyag na isang dating Cabinet ang nag-lobby para sa mga iligal na POGO.
Ang isyung ito ay hindi dapat palagpasin ng Kongreso lalo ni Pangulong Bongbong Marcos dahil maliwanag na KORASYON ito. Mismo!
Oo! Dapat mapanagot kung sinomang opisyal (dati o aktibo) ang tumanggap ng $200 million para magkaroon ng lisensiya ang POGO hub na pugad ng mga iligal.
Mantakin mo, mga pare’t mare, 298 POGOs ang iligal na nag-operate noong termino ni Rody Duterte, mostly ay pag-aari ng mga Intsik.
Ilang bilyong piso kaya ang natanggap rito ng mga buwayang opisyal noon ni Duterte? Nakatikim rin kaya rito ang dating pangulo?
Malalaman natin ito ‘pag napangalanan, naimbestigahan at kumanta ang dating Cabinet official na ibinunyag ni Tengco. Abangan!
***
Sabi ni Digong Duterte, hindi totoo ang inanunsyo ng kanyang anak, Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, na tatakbo siyang senador sa 2025. Retired na raw siya sa politika.
Pero nitong Lunes ay kasama ni Digong ang kanyang anak na si Mayor Baste na umikot-ikot sa Tacloban City. Pumunta pa sila sa Archdiocesan Shrine of Sto.Nino. Alam na!