Advertisers
Ni Oggie Medina
NAGBUNGA ang pagpupunyagi ni Dave Pajanustan, dating guro, nang siya’y hirangin Stager of the Year 2024 sa larangan ng musika noong nakaraang 24th Anibersaryo ng Philippine Stagers Foundation, o mas kilala bilang Philstagers, na ginanap sa Luxent Hotel sa Lungsod ng Quezon.
Una ko siyang nakitang umarte bilang alternate o kahalili ni Vince Tanada bilang Andy o Andres Bonifacio sa HERO Z, isang matagumpay na musical play na nasaksihan sa ibat ibang panig ng Pilipinas.
Lubos ang paghanga ko sa kanya nang siya’y gumanap na Saksi sa stage play na Maria Goretti. Naaliw at bumilib sa kanya ang mga manonood sa galing niyang umarte at umawit. Ang ganda ng timbre ng kanyang tinig.
Malayo ang mararating niya sa larangan ng musical theatre sa Pilipinas.
***
ISA pang versatile na taga-Philstagers ay si Gerald Magallanes. Ang makisig at guwapong binatang ito ay lubhang nakakaakit at nakamamangha dahil kahit anong role ang ibigay mo sa kanya, maliit man o malaki, ay nagagampanan niya nang maayos.
Nasaksihan ko siya bilang si Kudz, o Sultan Kudarat, sa musical play na HERO Z, na akma sa Generation Z audience.
Ang dami niyang fans na babae. Minsan nakisaklolo siya sa akin dahil may mga panatikong female fans na pati sa dressing room sa backtage ay sinisilipan siya. At sinara ko ang pinto sa pakiusap niya.
Si Gerald ay maaring makilala sa mundo ng mainstream film o indie film dahil sa husay niya sa pag-arte, pagsayaw at pagkanta.
Minsan maari kang mainis sa role na ginagampanan niya dahil epektibo talaga pero pagkatapos noon ay balik na ulit siya sa totoong siya, magalang, mabait, mapagbiro, at mapagkumbaba.
***
MAGKAKAROON ng PSF Theatre Festival sa PSF Blackbox Theatre sa G. Tuazon Street corner Calabash A sa Balic-Balic, Sampaloc, Manila sa darating na Hulyo 6, 13 at 20 (awards night) sa tatlong Sabado.